Muling nagtala ng phreatic eruptions NO ENTRY, NO FLY ZONE SA BULKANG TAAL IPINAALALA

MULING nagpaalala ang DOST-PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpunta sa Taal Volcano island.

Sa ipinalabas na abiso ng PHIVOLCS kaugnay sa nangyaring dalawang minor phreatic activity sa main crater ng Taal Volcano nitong Sabado ng umaga, bagama’t nanatili sa alert level 1 ang bulkan, ang pagkakaroon ng volcanic earthquakes, minor ashfall at lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas ay maaaring maging banta sa kalusugan ng mga tutungo sa mismong volcano island o sa mga itinalagang permanent danger zone partikular sa mga bisinidad ng main crater at ganoon din sa mga bitak sa lugar ng Daang Kastila.

Napag-alaman na sa kabila ng pagbabawal sa pagtungo sa volcano island, may mga mangingisda at mga fishcage caretaker ang nagtayo ng mga pansamantalang silungan sa mga baybay lawa ng bulkan partikular sa hilaga at kanlurang bahagi nito.

Sinabi rin ng PHIVOLCS na dapat ipagbawal pa rin ng Civil Aviation Authorities ang paglipad o pagdaan ng mga eroplano malapit sa Taal volcano dahil ang airborne ash at ballistic fragments mula sa biglaang aktibidad ng bulkan ay maaaring magdulot ng panganib sa aircrafts.

Samantala, kinalma na rin ng mga opisyal ng mga bayang nakapaligid sa Taal volcano at Taal lake ang kanilang mga residente.

Sa magkakaparehong paalala nina Tanauan City Mayor Sonny Perez Collantes, Talisay Mayor Nestor Natanauan, Mayor Ian Kenneth Alilio ng Lemery, Mayor Lester de Sagun ng San Nicolas at Agoncillo Mayor Cinderella Reyes, sinabi ng mga ito na huwag mag-panic ang mga residente at sumunod lamang sa mga abiso ng mga LGU kung sakaling magkaroon pa ng mga bagong insidente.

Ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kani-kanilang MDRRMO ay naka-monitor sa sitwasyon ng bulkan, gayundin sa mga advisory na ipinadadala ng Phivolcs at patuloy na nakikipag-unayan sa nasabing ahensya upang maihatid sa publiko ang mga abiso na dapat malaman ng mga residente.

Inalerto na rin ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station sa mga bayan ng Talisay at San Nicolas at ganoon din ang mga tauhan ng Bureau of Protection at mananatiling naka-monitor sa aktibidad ng bulkan.

(NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment