NAG-SUICIDE SA DOLOMITE BEACH, SUSPEK SA PAGPATAY SA KA-LIVE IN

NABATID sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad na ang isang lalaki na nag-suicide sa pamamagitan ng pagtalon sa Dolomite Beach sa Manila Bay, ay suspek umano sa pagpatay sa kanyang kinakasama sa Rodriguez, Rizal noong Marso 12.

Gayunman, hinihinalang hindi nalunod sa Dolomite Beach si Lito Rubio y Animas, 57, ng Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal, kundi inatake sa puso makaraang tumalon sa Dolomite Beach noong Marso 15 sa Roxas Boulevard, Ermita Manila.

Sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon ni Police Senior Master Boy Niño Baladjay ng Homicide Section, nadiskubre ang ginawang krimen ni Rubio sa kinakasamang si Lily Camnoy, 43-anyos.

Noong Huwebes ng gabi, nagtungo sina Police Staff Sargent Elvern Cacatian at Police Corporal Ronald Allan Sta. Isabel, kapwa nakatalaga sa Rodriguez Police Station, bitbit ang mga dokumento na nagpapatunay na positibong ang suspek ang sumaksak at pumatay sa kanyang live-in partner.

Hinihinalang hindi nito nakayanan ang konsensiya kaya sumakay sa taxi at nagpahatid sa Manila Bay saka dumayb sa Dolomite Beach dakong alas-10:30 ng umaga.

Kaugnay nito, dumating din sa tanggapan ang mga kaanak ni Rubio at sinabing ang tunay nitong pangalan ay Rey Lighit Salin na wanted umano sa pagpatay sa Mindanao. (RENE CRISOSTOMO)

38

Related posts

Leave a Comment