BATANGAS – Ipinarada at nagpaligsahan sa dekorasyon ang mga bangka na may naggagandahang disenyo sa prusisyon sa dagat sa isang barangay sa bayan ng Taal sa lalawigan, kaugnay ng pagdiriwang ng kapistahan ng kanilang Patron na si Apostol San Pedro.
Ang prusisyon na tinawag na Karakol sa Butong ay isinagawa sa karagatan ng Balayan Bay sakop ng Barangay Butong, Taal na siyang nagdiriwang ng kapistahan.
Ang “karakol” sa Brgy. Butong ay isang makulay na selebrasyon kung saan ang mga bangka na may naggagandahang disenyo ay ipinaparada. Ito ay isinagawa noong Hunyo 28, bilang pagdiriwang ng kapistahan ng kanilang patron na si Apostol San Pedro.
Sa prusisyon ng mga bangka ay lulan ang imahe ng Mahal na Birheng Maria at ang Mahal na Apostol San Pedro, na nilalahukan ng mga mangingisda, residente, at opisyal ng barangay at bayan.
Ayon kay Butong Barangay Captain Roberto Hernandez, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pagandahan ng disenyo ng mga bangka sa kanilang komunidad.
Naglaban-laban ang siyam na bangka sa pagandahan ng disenyo, at ang nanalo ay ang bangka ni Danilo Almacen, 72-anyos.
Ibinahagi ni Almacen na ang paglalakbay sa karagatan para mangisda ay naging hanapbuhay niya simula pa noong 12 taong gulang pa lamang siya. Ang pagkapanalo sa patimpalak ay isang karangalan para sa kanya at sa kanyang pamilya
Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng barangay sa lahat ng mga sumali sa pagandahan ng disenyo ng bangka at sumama sa pamamangka ng kanilang Mahal na Patron San Pedro at ikinatuwa rin nila na walang anomang nangyaring aberya sa pagdiriwang. (NILOU DEL CARMEN)
130