Napapanahon, makabuluhan at malaki ang maitutulong sa mga obrero WORK FROM HOME

NAPAKARAMING nagsusulputang ideya ngayong panahong hindi tiyak ang mga ekspertong doktor kung kailan matatapos ang coronavirus disease -2019 (COVID-19).

Karamihan ay mga patakaran para sa interes at kagalingan ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, kaayusan sa pag-aaral ng mga mag-aaral at mga manggagagawa.

Isa sa mga mambabatas na hindi nauubusan ng ideya ay si Senadora Imee Marcos.

HOME-BASED

NANINIWALA si Marcos na nararapat, napapanahon at wasto na gawing mandatory ang home-based na sistema ng pagtatrabaho ng mga manggagawa kung kayang gawin sa kani-kanilang bahay ang trabaho nila sa kumpanya.

Ang konteksto ng ideyang ito ni Marcos ay nakaangkla sa panahong paparami nang paparami ang bilang ng mga Filipino na nagkakaroon ng COVID-19.

Hangad ng mambabatas na nagsisimula pa lang sa unang termino niya sa Senado na huwag nang magpunta araw-araw ang mga manggagawa sa kanilang kumpanya o opisina upang makaiwas at maproteksyunan mula sa COVID – 19 kaya, naghain si Marcos ng panukalang batas na nag-aamiyenda sa Republic Act No. 11165 o Telecommuting Act.

“Should the physical presence of the employee be necessary for a particular task, the employer may require his/her attendance in the workplace, within office hours and during weekdays, but not more than twice a week,” paliwanag ni Marcos nang ihain ang Senate Bill No. 1448 (S.B. 1448).

Nilinaw ni Marcos sa kanyang press statement na ang mga makikinabang kung sakaling maging ganap na batas ang S.B. 1448 ay iyong mga manggagawa na ang “physical presence in the

workplace is not necessary for the completion of his/her job and who have been with the company for at least one year.”

Naging batas ang R.A. 11165 noong Disyembre 2018.

LIMITADO

DAHIL sa pandemyang COVID-19, inihayag ni Senadora Marcos na “Clearly, a ‘new normal’ of social distancing, new hygiene standards and limited physical contact shall prevail into the future.”
Ani Marcos, ang kanyang panukalang nag-aamiyenda sa R.A. 11165 ay resulta ng bagong kalagayang kinakaharap ng mga Filipino kung saan napuwersa ang iba’t ibang kumpanya o industriya na magbalangkas o kumilos upang magkaroon ng “major modifications in their policy to ensure compliance with social distancing measures.”

Noong Mayo, nanawagan ang NAGKAISA Labor Coalition sa Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyaking ligtas ang mga opisina, kumpanya, pabrika at iba pang pinapasukan ng mga manggagawa mula sa COVID-19.

Ang NAGKAISA ay itinuturing na siyang pinakamalaking alyansa ng mga organisasyon at unyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kumbinsido ang tagapangulo ng NAGKAISA na si Atty. Jose Sonny Matula na napakahalagang ligtas ang mga manggagawa sa kanilang pagtatrabaho matapos tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, partikular sa National Capital Region (NCR).

PABOR SA OBRERO

WALANG dudang pabor sa mga manggagawa ang pagtatrabaho sa kani-kanilang bahay, sa halip na sa opisina, kumpanya o pabrika, tugon ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM).

“Pabor siyempre sa manggagawa, [ngunit] sa specific industry [lang] tulad ng BPO (business process outsourcing),” sabi ni Fortaleza.

Nangangahulugang hindi kasama sa panukala ni Marcos ang mga nagtatrabaho sa department store, supermarket, tindahan ng mga sasakyan at iba pang kumpanya na kailangan ang presensya ng mga manggagawa.

Ang mga nagtatahi ng mga damit ay maaaring sa bahay na gawin kung saan hindi kailangan ng computer o laptop at internet connection.
Parehas ang paniniwala ni Matula kay Fortaleza.

Sabi ni Matula: “Work from home is favorable to workers now [since] it will cut [their] travel time and expenses. Iwas COVID -19 pa. The COVID-19 has changed the [work system in the] workplaces and working arrangements [between the workers and employers].”

“’Yung trabaho mula sa bahay ay malaki ang maitutulong sa mga manggagawa.

Wala nang pamasahe, iwas infection, nasa trabaho agad maski wala pang hilamos,” bulalas ni Matula na pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).

Sa kongkreto, matutulungan ng panukala ni Marcos ang manggagawa na madagdagan ang kanilang “purchasing power” dahil sa halip na sa pamasahe ang parte ng kanilang sahod mapunta ay maibibili nila ito ng ilang pangangailangan sa araw-araw sa bahay tulad ng mantika, toyo, suka at iba pa.

Nakababawas din ng pagod sa mga manggagawa na napakaaga pa ay aalis na ng bahay upang magtrabaho, tapos gabi na uuwi dahil mahirap sumakay ng bus o dyip at matindi ang trapik.
At habang papauwi sa bahay ay nakasakay sa nagsisiksikang bus o dyip.

LIMITASYON

NGUNIT, naniniwala ang ilang lider-manggagawa na mayroong limitasyon ang home-based job tulad nina Alan Tanjusay at Fortaleza.

Ani Tanjusay, tagapagsalita ng Alliance of Labor Unions – Trade Union of the Philippines (ALU – TUCP), “hindi lahat ng industriya applicable ang work from home. Baka p’wede mag-work from home sa ilang industries o type of work. Maaaring mandatory ang work from home provided swak ito sa industriya.”

Hindi nagbigay ng halimbawa si Tanjusay ng mga industriyang hindi kayang sa bahay magtatrabaho ang mga manggagawa.

Banggit ni Fortaleza, “mahirap” pairalin ang sistemang sa bahay magtrabaho ang mga manggagawa sa ibang negosyo.

KARAPATAN

ANG isang mahalagang usapin na tinukoy ni Fortaleza ay ang mga karapatan ng mga manggagawa.

Ipinunto niya na kailangang matiyak sa mungkahing pagbabago ni Marcos sa Telecommuting Law na malinaw ang proteksiyon sa mga karapatan ng mga manggagawa habang ginagawa nila sa kani-kanilang mga bahay ang mga trabaho sa kumpanya.

Sa mungkahi ni Marcos, “hindi clear kung protected ang rights ng workers sa [home-based work] arrangement. Halimbawa, ang refusal to work ba niya sa workplace ay exercising his/her right o puwedeng gamitin laban sa kanya ng management?,” pahayag ni Fortaleza.

Naniniwala ang lider-manggagawa na kapag walang probisyon sa batas ukol sa mga karapatan ng mga manggagawa ay mayroong dahilan ang mga kapitalista na apihin, pagsamantalahan at abusuhin ang mga manggagawa upang matiyak na makabig ng mga kapitalista ang pinakamalaking tubo sa pagnenegosyo.

Kung babalikan ang mga nakalipas na taon, walang pakialam ang mga kapitalista sa paglabag sa napakakapal na aklat tungkol sa batas-paggawa ng bansa.
Nakalulusot ang mga ganid na kapitalista sa mga krimeng ginawa nila sa mga manggagawa kahit na mayroong batas na nagbibigay proteksiyon sa mga ito.

BABALIKATIN

IDINIIN ng tatlong lider-manggagawa na nakontak ng manunulat na ito na sagot dapat ng kumpanya ang gadyet,  buwanang bayad sa koneksiyon sa internet at kuryente ng mga manggagawa.
“Dapat pati gadget at internet, kuryente ay libre,” ratsada ni Fortaleza.

Sabi naman ni Tanjusay: “Kailangan din na sagot ng employer ang wi-fi,  gadget, computer laptop/desktop and equipment, electricity na gamit nito.”
Nakasaad sa batas ang mga pananagutang ito, paalala ni Matula. (NELSON S. BADILLA)

127

Related posts

Leave a Comment