WALANG puwang sa gobyerno ang mga politikong sangkot sa kalakalan ng droga.
Ito ang giit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasabay ng panawagang pagbasura sa kandidatura ng mga kandidatong sangkot sa pagpapalaganap ng droga.
Panawagan ni PDEA Director-General Wilkins Villanueva sa publiko, huwag hayaang manalo sa 2022 general elections ang mga nagkakalat ng salot, kasunod ng pagkakadakip ng isang mayoralty candidate at apat pang iba sa isinagawang operasyon sa Mountain Province kamakailan.
Ilang araw pa lang ang nakakalipas nang mahagip ng pinagsanib na elemento ng PDEA Regional Office-Cordillera Administrative Region (CAR) Philippine National Police (PNP) sa isang checkpoint sa Oowayen, Barangay Poblacion sa bayan ng Sadanga ang isang dating pulis na kinilala bilang si Sonny Kalaw kasama ang apat pang mga kasamahan.
Sa pagsisiyasat, lumabas na kandidato pala sa pagka-alkalde ng Sabangan si Kalaw na nahulihan ng 19 na bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana na lulan ng kanyang sasakyan. Sa tala ng PDEA, aabot sa P2.28 milyon ang halaga ng mga nasamsam ng marijuana sa kandidato.
“Dismiss candidates who are involved in illegal drug activities. They do not deserve your votes. We urge the voting public to choose wisely our next leaders,” ani Villanueva.
Bukod kay Kalaw, naniniwala rin si Villanueva na marami pang ibang politiko ang sangkot sa kalakalan ng droga, kung saan aniya nagmumula ang perang gamit sa kampanya, pambili ng boto, pandaraya o paghahasik ng karahasan.
“Your vote is precious. Please treat it that way. If we want to attain drug-free communities, we should opt for leaders who genuinely defend the nation from illegal drugs,” pagtatapos ng PDEA chief. (JOEL AMONGO)
102