NAMATAY habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical center ang isang 64-anyos na lolo makaraang masagi ang minamaneho nitong motorsiklo ng armored van sa southbound lane ng Padre Burgos St., Lagusnilad Underpass sa Ermita, Manila noong Huwebes ng hapon.
Batay sa ulat ni Police Corporal John Patrick Ted Mañaol na isinumite kay Police Major Anthony Olgado, hepe ng Manila District Enforcement Unit (MDEU), namatay dakong alas-9:00 ng gabi ang biktimang si Pedro Tenerife , ng Palmera St., Sampaloc, Manila.
Samantala, kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang kasong kinahaharap ni Ericson Oliver, 45, binata, driver ng armored van (UQC – 575) at residente ng North Signal, Taguig City.
Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Mañaol, bandang alas-4:55 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Padre Burgos Street sa underpass ng Lagusnilad sa harap ng Manila City Hall sa Ermita.
Kapwa binabaybay ng dalawa ang kahabaan ng Padre Burgos St. patungong Taft Avenue nang masagi ng kanang tagiliran ng armored Van ang motorsiklo ng biktima hanggang sa tumilapon ang huli. Bumagsak sa kalsada si Tenerife at nagulungan ng armored van.
Agad isinugod ng ambulansya ang biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit nalagutan ito ng hininga habang nilalapatan ng lunas. (RENE CRISOSTOMO)
