NIGERIAN, MAG-INA ARESTADO SA ANTI-CYBERCRIME OPS

ARESTADO sa entrapment operation ang isang Nigerian national at isang mag-inang Filipina matapos biktimahin ang isang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) sa Silang, Cavite noong Huwebes ng hapon.

Kasong paglabag sa Article 315 (swindling/estafa) ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng RA 10175 o kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012, at Sec. 5(a) (aiding or abetting in the commission of cybercrime) ng Republic Act No. 10175 ng Cybercrime Prevention Act of 2012, ang kinahaharap ng mga suspek na sina Rosalinda Geronimo y Bernal, 53, government employee; Paulina Geronimo y Nia, 20, estudyante, at Cyril Iheanacho Njoku, 48, Nigerian national, pawang mga residente ng Silang, Cavite, dahil sa reklamo ni Nestor Castro y Agbayani, 62, empleyado ng LTO, at stay-in sa LTO (Personnel Quarters) Central Office, Quezon City.

Ayon sa reklamo ng biktima, Agosto 30, 2022 nang nakatanggap siya ng friend request sa FB mula sa isang “Brian Lyndsey” na nagpakilalang miyembro ng US Military Service.

Naging nagkaibigan sila hanggang sa nagsabi ang suspek na magpapadala ito ng pera na nagkakahalaga ng $387,000 at noong Setyembre 5, 2022 dakong alas-7:00 ng umaga ay nakatanggap siya ng tawag mula sa 09608987808 at nagpakilalang Rebecca Gomez ng Bureau of Custom (BOC) at nagsabing may dumating siyang package subalit kinakailangan niyang magpadala ng P5,000 para sa clearance.

Sa nasabi ring buwan, nakatanggap ito ng email mula sa BNL Cargo Company na nagsasabing naka-hold ang nasabing package sa Custom police at kinakailangang magpadala ng P7,000 para ma-release ito at karagdagang P10,000 para sa security at fast delivery.

Pero noong Setyembre 21, tumawag sa kanya si Gomez at nagsabing hindi maipadadala ang nasabing package dahil nasira ang sasakyan na magdadala nito at kinakailangang magbigay siya ng P7,000 para sa pagpapagawa ng sasakyan.

Noong Oktubre 9, muling nag-email sa kanya ang Cargo company na humihingi ng P10,000 para mapabilis ang delivery ng package, karagdagang P7,000 para sa last payment  at noong Oktubre 29 ay muling humingi ng P5,000 hanggang sa makahalata ang biktima na tila na-scam siya kaya humingi ng tulong sa pulisya.

Pinayuhan naman ang biktima na makipag-ugnayan sa mga suspek sa FB at isinagawa ang entrapment operation ng pinagsamang pwersa ng CPACRT, TL Cavite PACRT, QCDACT/QC-CPU na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek sa Smart Padala center sa Silang, Cavite dakong alas-3:20 ng hapon noong Huwebes. (SIGFRED ADSUARA)

48

Related posts

Leave a Comment