OBRERO TINUTUGIS SA PAGPATAY

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang construction worker makaraang patayin sa saksak ang kanyang kabaro habang nagtatalo sa kalagitnaan ng inuman sa Carmona City noong Huwebes ng madaling araw.

Isinugod sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang biktimang si alyas “Joey”, 50, binata, isang construction worker, ng Brgy. Milagrosa, Carmona City ngunit idineklarang dead on arrival, habang kinilala ang suspek na si alyas “Edwin”.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima, si Edwin at live-in partner ng suspek sa Phase 3, Brgy. Milagrosa, Carmona City bandang ala-1:40 ng madaling araw noong Huwebes.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang inuman at kuwentuhan, may nabitawan umanong salita ang biktima na nakapikon sa suspek dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Pagkaraan ay dumampot umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima.

Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi umabot nang buhay. (SIGFRED ADSUARA)

68

Related posts

Leave a Comment