Ospital pwedeng maningil kahit suspected cases KASO NG COVID-19 LOLOBO SA PHILHEALTH

HINDI isinasantabi ni House committee on public account chairman Rep. Mike Defensor na mas marami ang maitatala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na kaso ng COVID-19 kaysa sa Department of Health (DOH) dahil kahit suspected lamang ay puwede nang maningil ang ospital ng COVID-19 rate.

Sa pagdinig ng komite ni Defensor sa katiwalian sa PhilHealth, idinulog nito ang nasabing posibilidad kay Commission on Audit (COA) Chairman Michael Aguinaldo dahil kung hindi ay lalong mauubos ang pondo ng ahensya.

“Sabi kasi ni Dr. (Israel Francis) Pargas (Senior Vice President, Health Finance Policy Sector ng Philhealth, pagka-suspect sa covid they can avail for P43,997,” ani Defensor.

“That is very, very dangerous chairman Mike (Aguinaldo). Even their policy will say so, baka po mas madami pang covid sa PhilHealth kesa dun sa mismong record ng DOH,” dagdag pa ng mambabatas.

Hindi naman kinontra ni Aguinaldo ang pangambang ito ni Defensor kaya isa umano ito sa kanilang susuriin.

Sa ilalim ng COVID-19 rate ng PhilHealth, babayaran nila ng P43,997 ang ospital na gagamot sa mild pneumonia, P143,267 sa moderate pneumonia, P333,519 sa severe pneumonia at P786,384 sa critical pneumonia.

Nangyari na aniya ito kung saan mas marami ang naitala ng PhilHealth na tinamaan ng pneumonia. Mahigit 800,000 ang naitala nilang kaso noong 2017 samantalang mahigit 500,000 lamang ang nasa record ng DOH.

Dahil dito, nagbanta si Defensor na kakasuhan ang mga opisyal ng PhilHealth kapag nangyari ito dahil base umano sa polisiya ng mga ito, tanging ang mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 ang babayaran sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism.

“I will file a case against PhilHealth if you use your IRM for suspected cases, because under your policy, it should be positive. Kailangan po positive. Marami din pong nagpositive ang hindi nag-avail ng IRM, maraming nagpositive na hindi nagpunta ng ospital,” ayon pa kay Defensor.

WAIVER

Samantala, nagsumite na ng kanyang waiver si PhilHealth President and CEO ret. Gen Ricardo Morales para payagan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na suriin ang kanyang mga bank transaction.

Dahil dito, umaabot na aniya sa 14 PhilHealth officials ang lumagda ng kanilang waiver.
“These are the PhilHealth officials who have already signed a waiver with regard to the Bank Secrecy Law. They are giving the investigators the authority to look into their bank accounts,” ani Defensor.

Kabilang sa mga ito sina Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus, senior vice presidents Dennis Mas, Rodolfo del Rosario Jr., Jovita Argona, Renato Limsiaco Jr., acting SVP Nerissa Santiago, Vice presidents Oscar Abadu, Shirley Domingo (MD), corporate secretary Jonathan Mangaoang, senior manager Bernadette Lico and Area VPs Franciso Soria (MD), Walter Bacareza at Dr. Pargas.

Samantala, nagkaroon ng executive session ang Kongreso base sa kahilingan ni Del Rosario dahil marami umanong impormasyon ang hindi nito maidetalye sa publiko. (BERNARD TAGUINOD)

63

Related posts

Leave a Comment