NASABAT ang halos 10.5 kilo ng high-grade ‘kush’ marijuana na nagkakahalaga ng P17.169 milyon, sa joint inspection ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark.
Isinagawa ang inspeksyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ) at barangay officials ng Dau.
Ayon sa BOC, dumating ang kargamento noong Agosto 6, 2024, at idineklara bilang dalawang piraso ng “One Seat Sofa.” Ito ay minarkahan para sa inspeksyon ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC matapos mabunyag ang hindi pangkaraniwang mga larawan. Ang isang K-9 sniff test ay nagpahiwatig din ng pagkakaroon ng mga ilegal na sangkap.
Sa pisikal na inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang 23 self-sealing transparent plastic sachet (12 packs at 11 packs, ayon sa pagkakabanggit) ng mga tuyong dahon at fruiting tops na hinihinalang high-grade na marijuana, na kilala rin bilang “kush.”
Dinala ang mga sample at itinurn-over sa PDEA para sa chemical laboratory analysis at nakumpirmang marijuana na isang dangerous drug. (JOCELYN DOMENDEN)
123