P23-M SHABU, NAKUMPISKA SA 2 MAG-ASAWA

CAVITE – Tinatayang mahigit P23 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska sa dalawang mag-asawa sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na ang mag-asawang sina Monthana Abbas y Cadinglan, 43, at Norhata Abbas y Badong, 39; mag-asawang sina Datu Badong y Mudsol, 37, at Elsie Badong y Dirod, 37, pawang tubong Pagadian City, Zamboanga Del Sur. Si Datu Badong at Norhata Abbas ay magkapatid.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:20 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency, Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) Northern District Office, Provincial Drug Enforcement Agency, Regional Office-IVA, Cavite Provincial Office, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Bacoor City Police Station sa Phase 2, Brgy. Molino 4, Bacoor City, saan pansamantalang nakatira ang mga suspek, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska mula sa mga suspek sa buy-bust operation ang tinatayang 500 gramo at karagdagang 3,000 gramo ng hinihinalang shabu na natagpuan sa isang itim na megabox, o kabuuang 3,500 gramo, na may street value na P23,800,000.

Kabilang din sa nakumpiska ng mga awtoridad ang boodle money, apat na cellular phones, at isang notebook kung saan nakasulat ang kanilang mga transaksyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. II, Section 5, ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(SIGFRED ADSUARA)

378

Related posts

Leave a Comment