HAWAK ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang Malaysian national na nagtangkang magpasok sa bansa ng kulang sa apat na kilong shabu makaraang masabat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ayon sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Moro Vergilio Lazo, dumating ang 27-anyos na Malaysian national na kinilalang si Mohammad Ahtsham bin Mohammad Afzal, sakay ng Ethiopian Airline Flight ET644 na lumapag sa NAIA terminal 3, mula Addis Ababa, Ethiopia, at nagmula sa Antananarivo, Madagascar.
Subalit agad itong hinarang ng mga tauhan ng Customs Port of NAIA at NAIA-PDEA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Nakita sa imahe ang hinihinalang droga nang idaan sa x-ray monitor ng customs examiner ang dalang luggage ng banyaga.
Nabatid sa initial inspection at physical examination, natagpuan ang dalawang improvise pouch na ibinalot sa brown packaging tape, na naglalaman ng 3,722 grams ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na may current street value na aabot sa P25,309,600.
(JESSE KABEL RUIZ)
153