P4-M KUSH MULA US, NASAMSAM SA CONSIGNEE

TINATAYANG dalawang kilo ng kush o high-grade marijuana  na nagkakahalaga ng P3,923,700 ang nasamsam mula  sa isang lalaking consignee nang tanggapin nito ang kontrabando  sa isinagawang controlled delivery operation sa Quezon Blvd., Barangay 310, Sta.  Cruz, Manila.

Ayon sa ulat na isinumite ng PDEA Central Luzon team leader, kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General  Amorio Virgilio Lazo, kinilala ang  claimant ng ilegal na droga na si Jeric G. Herrera, 27, binata, residente ng Brgy. 310, Sta. Cruz, Manila.

Tinanggap ni Herrera ang isang large brown box na naglalaman ng limang lata na pinagsidlan ng limang transparent plastic pouch na naglalaman ng mga tuyong dahon at fruiting tops ng hinihinalang kush na tinatayang may timbang na 2.378 kilo at nagkakahalaga ng P3,923,700. Kabilang din sa kinumpiska sa suspek ang isang Identification card, at isang Air Waybill.

Ayon sa operating team, ang parsela na naglalaman ng ilegal na droga na nagmula sa US, ay dumating sa Port of Clark noong Abril 11, 2023.

 “Ang pakete ay idineklara bilang Tevana Green Herbal Tea. Sumailalim ito sa X-ray at K-9 inspection, nakitaan ng pagkakaroon ng indikasyon ng mapanganib na droga matapos na i-hold ng Bureau of Customs.

Pagkatapos ay isinagawa ang pisikal na pagsusuri ng BOC at PDEA na humantong sa pagkadiskubre sa limang transparent plastic pouch na naglalaman ng naturang droga

Ang operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Central Luzon, PDEA Clark AIU-Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs – Port of Clark, PDEA-NCR at Manila Police District.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 ang naarestong consignee. (JESSE KABEL RUIZ)

137

Related posts

Leave a Comment