TAHASANG ipinabatid ng isang lawyers’ advocacy group sa gobyerno na kung totohanin ni Pangulong Duterte ang kanyang bantang pagkamkam sa 2 higanteng kompanya ng telekomunikasyon sa bansa ay maghahasik ito ng matinding takot at pangamba sa mga mamumuhunan, dayuhan man o lokal.
“Labag sa prinsipyo ng Konstitusyon na hadlangan ang pag-unlad at operasyon ng mahalagang industriya ng dahil lamang sa manipis na dahilan na maaari namang maisaayos sa pamamagitan ng regular na pamamaraan,” pahayag ng mga abogadong bumubuo ng Tagapagtanggol ng Watawat.
“At balakid din ang pahayag ng Pangulo na expropriation ng Smart at Globe telecoms sa hangarin ng mismong gobyerno na mahikayat ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa,” sabi nila sa 4-pahinang pahayag sa publiko.
Ayon sa lider ng mga abogadong si Arnel Victor C. Valeña, nakaaalarma umano ang pahayag ng Pangulo na expropriation o pagkamkam sa dalawang telcos sapagkat wala namang matibay na dahilan at legal na basehan para sa ganung aksiyon ng estado.
“Ang pagkamkam ng gobyerno sa utility companies na pag-aari ng pribado pero ang operasyon nito ay saklaw ang interes ng publiko ay pinapayagan lamang ng Konstitusyon sa panahon ng national emergency,” mariing pahayag ni Valeña.
Kanyang ipinaliwanag na sa kaso ng Smart at Globe ay wala naman umanong ‘national emergency’ o anomang rason na pwedeng mag-justify para sa marahas na hakbang katulad ng expropriation.
“In fact, in his State of the Nation Address, the President cited his mere dissatisfaction with the less-than-ideal service that the public is getting from Smart and Globe, including drop calls,” paliwanag ni Valeña.
Kanyang idinagdag na ang mga ganung pagkukulang at kahinaan ng serbisyo ng dalawang telco ay tiyak namang mailagay sa ayos sa umano’y paraang lehislasyon,
o administratibo.
“The state ought to flex it’s regulatory muscle and exercise all reasonable means to compel the telcos to improve their services. It should not expect recurring issues to be resolved in a snap without proper intervention and regulation. We have not seen any sufficient efforts by the government in that regard,” sabi ni Valeña.
Kanya ring ibinabala na kung totohanin ang nasabing bantang pagkamkam sa 2 telco ay obyus itong pagpabor lang sa Dito Telecommunity, ang third telco na ang majority owner ay alam ng publiko na isang malapit na kaibigan ng Pangulo.
Sa pangwakas na pahayag ay nanawagan sa Pangulong Duterte ang Tagapagtanggol ng Watawat na manindigan ito sa ‘Saligang Batas at sa rule of law’ sa pagsulong ng progreso at proteksiyon ng publiko at ‘wag talikuran ang diwa ng Konstitusyon para lang paboran ang partikular na grupong interesado sa nasabing negosyo.
81