PARAÑAQUE LGU, DEPED HANDA SA ONLINE CLASSES BILANG TUGON SA WELGA

Inanunsyo ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Parañaque at ng Department of Education Schools Division of Parañaque na handa ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod na magpatupad ng online classes bilang tugon sa nakaambang welga ng mga jeepney at UV Express drivers simula Lunes.

Ayon kay Mayor Eric L. Olivarez, ang mga public and private schools ay magsasagawa ng online classes bilang alternative learning modality kung hindi makakapasok ang mga estudyante mula daycare hanggang college level dahil sa welga.

“Ipatutupad natin ang Alternative Delivery Mode of education katuwang ang DepEd Schools Division of Paranaque sa pamumuno ni Dr. Evangeline Ladines simula Lunes, March 6, hanggang Biyernes, March 10,” sabi ng punong lungsod.

Gayunman, nilinaw ni Mayor Eric na kung mas maagang matapos ang welga ay agad na babalik sa face-to-face classes ang mga estudyante at guro.

Inilahad din niyang handa na ang pamahalaang lungsod sa pagtugon sa welga sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga sasakyang magkakaloob ng libreng sakay sa mga pangunahing kalsada, gayundin ang lifting ng color coding sa panahon ng welga.

Isa pang dahilan ng nasabing paghahanda ng online at modular classes sa mga paaralan ay ang kawalan ng tubig sa siyam na barangay ng Parañaque City sa loob ng tatlong araw simula sa Linggo, March 5.

Pahayag ng butihing alkalde, ang mga residente ng lungsod ang pinakaapektado sa water service interruption ng Maynilad mula Marso 5 hanggang Marso 7 upang bigyang daan ang leak repair activity sa Makati City.

Dagdag pa ni Mayor Eric, ang mga paaralan ay magpapatupad ng asynchronous at synchronous classes alinsunod sa guidelines ng DepEd kung saan ang mga estudyante ay magpapatuloy ng pag-aaral sa kanilang mga tahanan at dadalo sa klase gamit ang online platforms at pagsagot ng mga gawain sa pamamagitan ng modules at iba pa.

188

Related posts

Leave a Comment