PARI PINAHIRAPAN BAGO NILIKIDA

MALUPIT na kamatayan ang sinapit ng isang paring Katoliko sa Malaybalay, Bukidnon.

Kasabay ng panalangin ng simbahan para sa hustisya ay inaaalam na ng mga awtoridad ang motibo ng mga salarin sa pag-torture at pagpatay sa biktimang si Fr. Rene Regalado, na natagpuang duguan sa labas ng kanyang sasakyan malapit sa Malaybalay Carmel Monastery sa Sitio Pal-ing, Barangay Patpat, Malaybalay City.

Ayon kay Col. Jerry Tambis, hepe ng Malaybalay police, tinitingnan nila kung may kinalaman sa pagpatay sa pari ang adbokasiya nito laban sa illegal logging.

Dati rin umanong nadawit sa sex scandal si Regalado, ayon sa pulisya.

Ayon sa ulat, pabalik si Regalado sa St. John College XXII Seminary nang barilin.

Pauwi na umano ang biktima sakay ng kanyang minanehong sports utility vehicle mula isang seminaryo pabalik sa Camelite Monastery nang harangin ito ng mga suspek at puwersahang pinababa saka binaril.

May nakita umanong contusion sa mata ng pari at baril malapit sa bangkay nito. Hindi naman nawala ang kanyang mga gamit at walang nakitang tama ng bala sa sasakyan.

Agad ipinag-utos na isailalim sa medico legal examination ang bangkay ng pari upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Sinabi ni Col. Tambis na nagpapatuloy pa ang kanilang pag-iimbestiga upang alamin kung may kinalaman ang krimen sa kinakaharap na rape case ng pari na unang nangyari habang kura paroko pa umano ito sa bayan ng Lala, Lanao del Norte.

Tumanggi na muna ang PNP na maglabas ng anomang ispekulasyon habang hinihintay ang malilikom na mga ebidensiya ng kanilang mga imbestigador kaugnay sa pangyayari.

Nanawagan naman ng hustisya ang Archdiocese of Malaybalay at hiniling na patuloy na ipagdasal ang yumaong si Regalado. (JESSE KABEL)

51

Related posts

Leave a Comment