Payo ng DA sa mga nagrereklamo TINGI-TINGI LANG MUNA SA SIBUYAS

PINAYUHAN ng Department of Agriculture (DA) ang mga mamimili na huwag bumili ng kilogram ng sibuyas dahil sumirit ang presyo nito ng mahigit sa triple kumpara sa suggested retail price (SRP).

Sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na may ilang piling pamilihan sa Kalakhang Maynila ang nagbebenta ng P550/kg ng malaking sibuyas habang P440/kg naman ang maliliit na sibuyas.

Anito, ang  SRP ng sibuyas ay P170/kg lamang habang ang farmgate prices ay pumapalo lamang sa P300/kg.

“To be reasonable on that and practical — pero mukhang maraming magagalit sa ‘kin — e ‘di ‘wag tayong bumili ng isang kilo, di ba? Kung ano lang ang makakaya nating bilhin, ayon muna,” ayon kay Estoperez.

Nitong Oktubre, nagtakda ang DA ng SRP na P170.00 per kilogram ng pulang sibuyas sa wet markets sa National Capital Region, kasunod ng pagtaas ng presyo ng agricultural commodities.
Sa kabilang dako, sinabi ni Estoperez  na titingnan pa ng DA kung may pangangailangan na umangkat ng sibuyas sa susunod na taon kung hindi magiging normal ang suplay ng nasabing produkto.

Nauna na kasing inanunsyo ng DA na hindi na nito kinokonsidera na umangkat ng sibuyas lalo pa’t inaasahan na nila ang pag-ani ng nasabing produkto sa Enero at Pebrero ng susunod na taon.
“Tignan natin this coming January and February na harvest season kung talagang ganu’n pa kanipis [ang supply]. Then let’s decide kung ano ang gagawin natin. Baka naman doon sa pag-produce natin, tanungin natin ang sarili natin, sapat ba talaga ang ating pino-produce o kailangan nating mag-angkat? Baka may problema rin tayo sa ating mga interventions sa pamahalaan kung bakit ganoon ang produksyon ng sibuyas,” ayon kay Estoperez.

Samantala, aminado si Senador Christopher ‘Bong’ Go na nakababahala ang pagtaas sa P500 hanggang P600 na presyo ng bawat kilo ng sibuyas kaya’t kinalampag nito ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na kumilos upang matiyak na masawata ang anomang iregularidad hinggil dito.

Kasabay nito, nagpahayag ng pagsang-ayon ang senador sa isinusulong na imbestigasyon sa Senado upang mabusisi ang dahilan ng pagtaas ng presyo at bumalangkas ng hakbangin para ito ay mapigilan.

“Ako po ay sang-ayon kung kailangang imbestigahan sa Senado yung nakakabahalang pagtaas ng presyo ng sibuyas. Naghain na po ng resolution si Senator Imee Marcos para imbestigahan po ang pagtaas ng presyo ng sibuyas at kung kailangan pong imbestigahan, imbestigahan natin ito sa Senado,” pahayag ni Go.

Ipinaalala naman ng mambabatas na mayroon nang Anti-Agricultural Smuggling Law sa bansa at posibleng maharap sa kasong economic sabotage ang mga mapatutunayang sangkot sa smuggling ng sibuyas.

Kaugnay nito, umapela si Go sa executive department, partikular sa Bureau of Customs, Department of Agriculture at sa Department of Trade and Industry na i-monitor nang mabuti ang paggalaw ng presyo dahil apektado ang lahat ng Pilipino. (CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

28

Related posts

Leave a Comment