PCG PATROL SA WPS PINADARAGDAGAN

UPANG maproteksyunan ang mga mangingisdang Pinoy at mabantayan ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), kailangan dagdagan na ng gobyerno ang puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) na magpapatrulya sa nasabing karagatan.

Mungkahi ito ni House Deputy Minority Leader at ACT party-list Rep. France Castro kasunod ng pagkamatay ng tatlong mangingisdang Pinoy sa karagatan na may 118 nautical miles mula Agno, Pangasinan matapos umanong sagasaan ng oil tanker ang kanilang fishing boat noong Martes ng madaling araw.

Ayon sa PCG, ang Pacific Anna na nakarehistro sa Marshall Islands ang responsable sa nasabing insidente.

“Given that commercial vessels have the right of innocent passage, the incident could have been prevented if there were more PCG patrols in Bajo de Masinloc, aside from preventing such accidents they can also be more effective in protecting our waters and our fisherfolk,” ani Castro.

Bukod aniya sa patuloy na panghaharass ng Chinese Coast Guard at Chinese militia sa mga mangingisdang Pinoy sa loob ng kanilang sariling teritoryo ay marami na aniyang mga aksidente ang naganap sa WPS.

“This is a well known fact and many previous incidents have also been well documented. Of course, we cannot forget what happened to the Gem Ver 1 fishing vessel as well as the incidents of Chinese coast guard water blasting Filipino fishing boats,” dagdag pa ng mambabatas.

Dapat kasuhan

Kaugnay nito, iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsasampa ng kasong kriminal at sibil sa may-ari at kapitan ng crude oil tanker vessel ng Marshall Island na “Pacific Anna” na bumangga sa bangka ng mga Pinoy na mangingisda.

Ipinaliwanag ni Zubiri na ang Philippine Coast Guard ang dapat mismong maghahain ng kaso laban sa “Pacific Anna” sa mga korte dito sa Pilipinas.

Maaari aniyang sampahan ng kasong ‘reckless imprudence resulting to death’ o kaya ay homicide lalo na kung may intensyon na gawin ang kapabayaan.

Sinabi ni Zubiri na may pananagutan ang “Pacific Anna” dahil sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay may ‘code of conduct’ na sinusunod ang mga naglalayag sa karagatan kung saan dapat na tulungan ang mga nangangailangan.

Samantala, inabswelto ng PCG ang China mula sa nasabing insidente.

“As a spokesperson for the Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea, I can already tell the public that this is definitely not Chinese maritime militia,” ani Commodore Jay Tarriela sa isang panayam.

Nabatid na inalerto na ng coast guard ang Marshall Island at maging ang mga puerto na dadaanan ng MT Pacific Anna hinggil sa insidente.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/JESSE KABEL RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment