Pinaboran naman sa Senado CASCOLAN SA DOH SAMPAL SA HEALTH WORKERS

ITINUTURING na sampal sa mga health worker ang pagtatalaga kay dating Philippine National Police chief Gen. Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH).
Hindi rin matanggap ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang appointment ni Cascolan.

“Ano ba yan?! Ang kailangan ngayon na panahon pa din ng pandemya ay isang mahusay at mapagkakatiwalaang Health secretary at hindi isang Tokhang general na kasama sa nagbalangkas ng Oplan Double Barrel at pumatay sa libu-libo nating kababayan,” dismayadong pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro.

Si Cascolan ay itinalaga bilang isa sa mga undersecretary ng DOH kapalit ni dating Usec. Roger P. Tong-an na ikinadismaya rin ng iba’t ibang grupo ng health workers.

“Gen. Cascolan’s appointment is like a slap on the face of dedicated and qualified health care practitioners who were by-passed for the position. What is Gen. Cascolan’s qualification for the health portfolio anyway? Mamanmanan ba niya ang mga progresibong health workers groups o babarilin ba nya ang COVID virus?!” ayon pa kay Castro.

Sinabi ni Castro na dapat ikonsidera ng Palasyo ng Malacañang ang appointment ni Cascolan dahil mas marami aniya ang kwalipikadong ma-appoint sa nasabing departamento na may karanasan sa larangan ng kalusugan.

Samantala, ipinagtanggol ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang appointment ni Cascolan.

Ayon kay Dela Rosa, na dati ring naging PNP chief, wala naman sa Konstitusyon at batas na kailangan isang medical expert ang nasa DOH at hindi maaari ang ibang propesyon.

Aniya, ang pag-appoint kay Cascolan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa DOH ay maaaring may sapat na dahilan tulad ng ang trabaho ay ang pagma-manage sa departamento.

“Hindi naman talaga kailangang doktor ka para mag-manage ng organization diba? Hindi naman siya pumasok para magpagaling ng pasyente pumasok siya diyan para mag-manage, may management background siya,” sabi ni Dela Rosa.

Inihalimbawa pa nito na noong PNP chief si Cascolan ay hindi biro na pamunuan nito ang mahigit sa 200,000 PNP personnel at nagawang i-manage nang maayos hanggang sa magretiro ito.
Kahapon ay kinumpirma ng DOH ang pagkakatalaga kay Cascolan bilang undersecretary ng ahensya.

Tiniyak din ng kagawaran na magbibigay sila ng detalye sa appointments kapag available na ang mga ito.

Bago ang pagkakatalaga sa DOH, naitalaga na rin si Cascolan bilang undersecretary ng Office of the President noong February 2021. (BERNARD TAGUINOD/NOEL ABUEL)

45

Related posts

Leave a Comment