PNP INALERTO SA MGA INUMAN SA KALYE

IPINAG-UTOS ng Malakanyang sa pulisya na tutukan ang pagbabalik ng inuman sa kalye. Ito’y bahagi ng mga hakbang sa social distancing lalo’t lifted na ang liquor ban at upang matulungan ng mga pulis ang mga barangay official na mapagsabihan ang mga pasaway nilang constituents.

“Well, unang-una po, talagang pinararating natin ang mensahe – nasa kamay po natin kung anong mangyayari sa atin dito sa gitna ng pandemyang ito. Kung magpupumilit po tayo na magkumpulan, talagang iyan po ang 100% sure way na ikalat ang virus na ito,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Kaya ang panawagan ni Sec. Roque sa PNP, paigtingin pa ang ginagawang pagpapatrulya kahit pa karamihan ng mga lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng GCQ.

Kinakailangan, ayon kay Sec. Roque na masiguro ng Philippine National Police (PNP) na napagsasabihan ang mga tao na hindi dapat nagkukumpul-kumpol at matiyak na nasusunod ang layo ng distansiya sa isa’t isa.

“So paalala po, kinakailangan social distancing, pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay—paulit-ulit na po, parang sirang plaka, okay lang po iyan dahil iyan lang po talaga ang sandata natin laban sa COVID-19,” ani Sec. Roque.

“Pero kung ano pong gagawin, siguro po eh bagama’t tayo po ay nasa GCQ, ang mga kapulisan ay dapat talagang mas magpaigting pa ng kanilang pagpa-patrol at talagang sabihan ang mga tao na hindi dapat nagkukumpul- kumpol, hindi dapat nag-iinuman sa kalye,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

May mga obserbasyon ngayon na nagiging pangkaraniwang senaryo na umano sa ibang mga lugar ang umpukan sa mga kalye makaraang alisin na ang liquor ban tulad ng nag-viral naman ang kawalan ng social distancing sa CCP Complex kamakailan na umani ng puna sa mga netizen. (CHRISTIAN DALE)

99

Related posts

Leave a Comment