Position paper iniatras ABS-CBN BUTATA KAY DEFENSOR

HINDI pinalagpas ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang position paper ng ABS-CBN na nagsasabing “pinatatahimik” umano ang media sa suhestiyon nitong payagan ang operasyon ng ABS-CBN na hindi kasama sa news division.

“Ang sabi ko sa show na ‘yun, sana kung umabot tayo sa isang sitwasyon na temporarily, dahil nagrereklamo sina Congressman Rodante Marcoleta, Congressman Boying Remulla siguro wala muna yung news and current affairs division, not to silence news and public affairs division but to allow the digibox to continue,” paliwanag ni Defensor sa ika-12 pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability.

Nagrereklamo aniya sina Marcoleta at Remulla dahil nagagamit ang digibox para sila ay tirahin kaya nais ni Defensor na huwag munang isama sa programa ang news and public affairs para sa mga empleyado ng network at mapakalma ang mga nagrereklamong kasamahan.

Ang Digibox o TV plus ng ABS-CBN ay nagpatuloy sa pag-o-operate kahit kasama ito sa prangkisa ng broadcast network na napaso na noong Mayo 4, 2020 na labag na sa batas.

Mismong sina ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak at Cory Vidanes aniya ang nakikiusap sa mga mambabatas na tulungan sila na hindi maipit ang TV plus dahil dito nagmumula ang ipinapasahod sa mga empleyado ng network.

“Ma’am Cory Vidanes, before the hearing of digibox, kinausap nyo rin ako, in a huddle, sabi niyo tulungan nyo naman sana, huwag naman ipitin yung digibox and now you come up with this position? Saying that I am saying to close news and public affairs division?,” tanong ni Defensor.

Hindi rin nagustuhan ni Defensor ang sagot ni ABS-CBN News and Public Affairs chief Ging Reyes na “We note the sentiments of the honorable Congressman Defensor”.

“Gusto ko pong linawin na ito po ay position paper po ninyo. Dalawa lang po yan: either kayo po ay nagsasabi ng totoo or ako po ang nagsasabi ng totoo,” sagot ni Defensor subalit inako ni Katigbak ang pagkakamali sa kanilang position paper at sinabing babaguhin na lamang umano ito.

REKLAMO VS TROLLS

Samantala, pormal nang inireklamo ni House deputy majority leader Crispin Jesus “Boying” Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pro-ABS-CBN trolls na tumitira sa mga kongresista sa social media dahil sa kanilang pagbusisi sa paglabag ng network sa batas.

Sa naturang pagdinig, kinumpirma ni Remulla na nagtungo na ito sa NBI para humingi ng tulong laban sa mga pro-ABS-CBN trolls na sistematikong nagba-bash umano sa kanya sa social media.

“I’d like to tell the committee that today, after my experience in the past 6 days being subject of many organized attacks to social media, I have gone to NBI to complaint about cyber bullying being done to my person and to other members of the House,” ani Remulla.

Ayon sa mambabatas, hindi makatarungan ang mga batikos na inaabot ng mga ito sa pro-ABS-CBN trolls sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang mambabatas na busisiin ang prangkisa ng nasabing network.

Bago ito, sinabihan ni DUMPER PTDA party-list Rep. Claudine Diana Bautista ang ABS-CBN na huwag insultuhin ang Kongreso na kanilang nilalapitan para sa panibagong prangkisa ng mga ito.

“Para sa ABS-CBN, huwag naman sanang insultuhin ang mismong bulwagan kung saan dinidinig ang inyong aplikasyon, bigyan natin ng respeto,” ani Bautista kasabay ng paglilinaw na hindi “palabas” lang ng ilang miyembro ng dalawang komite ang ginagawang pagdinig. (BERNARD TAGUINOD)

267

Related posts

Leave a Comment