PUSLIT-KALAKAL BUMABA NG 14%

KUMPARA sa datos ng taong 2021, higit na mababa ang dami ng mga nasabat na kargamento ng Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Disyembre ng nakalipas na taon.

Ang dahilan – mas masigasig na pagsusuri ng mga lumapag na kargamento sa mga paliparan at pantalan at ang agresibong pagtugis at pagsasampa ng kaso sa mga pinaniniwalaang smugglers at mga kakuntsaba sa kawanihan.

Sa datos ng BOC, nasa P24.28 bilyon na lang ang nakumpiskang kargamento ng kawanihan noong nakalipas na taon – mas mababa ng 14.6% sa P28.4-bilyong halaga ng kontrabandong nasabat ng ahensya noong 2021.

Paniwala ng BOC, iniinda ng mga kapitalista sa likod ng mga smuggling syndicate ang kabi-kabilang operasyon na inilunsad sa iba’t ibang panig ng bansa, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa nasabing ahensya.

Katunayan anila, umabot sa 709 operasyon ang nagbigay-daan sa pagsamsam ng samu’t saring kontrabando kabilang ang P11.95-bilyong halaga ng iba’t ibang klase ng droga, P7.79 bilyong pekeng kalakal (counterfeit goods) at P1.87-bilyong halaga ng mga produktong agrikultura tulad ng sibuyas, carrots, prutas, bigas, asukal, botchang karne, at iba pa.

Malaking bentahe rin ang mas madalas at mas mabilis na pag-iisyu ng Letters of Authority (LOA) na nagsisilbing pahintulot sa mga operatiba ng ahensya na pasukin at suriin ang mga pasilidad at bodegang hinihinalang bagsakan at imbakan ng mga ipinuslit na kargamento.
Sa 200 LOA na inilabas ng ahensya, 109 ang positibo.

Tagumpay rin anila ang pakikipag-ugnayan ng kawanihan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga impormante sa likod ng 193 alert orders kung saan 120 rito ang nakitaan ng mga paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at iba pang umiiral na batas at reglamento ng gobyerno.

Siyam naman sa 10 pasok sa kategorya ng “high-risk shipments” ang sinamsam nang hindi na kailangan pang buksan ng kawanihan sa tulong ng mga makabagong kagamitan tulad ng mga X-ray scanner at trace detector.

“This is a result of the improved Risk Management System which the BoC has advanced to intensify its intelligence and enforcement capabilities,” saad sa pahayag ng BOC.

Para sa kasalukuyang taon, target ng kawanihan na kumalap ng P903 bilyon mula sa buwis at taripang kalakip ng mga papasok at lalabas na kargamento.
(JOEL AMONGO)

36

Related posts

Leave a Comment