REVILLA, ITINANGGING SASABAK SA PRESIDENTIAL ELECTIONS

ITINANGGI ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na may plano siyang kumandidato bilang Pangulo para sa susunod na eleksyon.

“Hindi po. Tahimik po ang buhay ko, tahimik po ang pamilya namin. Masyado nang marami kaming pinagdaanang bagyo,” pahayag ni Revilla.

“Hindi po totoo na ako po’y tatakbo ng mataas na posisyon, hindi po totoo ‘yan,” dagdag ng senador.

Ang pahayag ni Revilla ay kasunod ng deklarasyon ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na isa ang senador sa ikinukonsidera ng Lakas-Christian Muslim Democrats na opsyon bilang presidential candidate.

“I am honored by the trust and confidence of the Party and our kababayans, but I have no intention,” dagdag ni Revilla.

Mistula namang itinanggi ni Revilla ang pahayag ni Pichay na hinihintay pa rin nila si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kumandidato bilang Pangulo.

“Kami po’y nag-aantay, ang partido namin, sa desisyon ng nakakataas kung sino po ang aming susuportahan para sa bayan,” diin ni Revilla.

“Basta’t isipin niyo, ang iniisip po namin ay ‘yong makakabuti para sa lahat,” paliwanag pa ng senador.

Una nang lumabas ang impormasyon na pinaghain ng Lakas-CMD ng certificate of candidacy ang isang Anna Velasco bilang presidential candidate habang inaabangan ang pagpalit ni Mayor Sara bilang kandidato. (DANG SAMSON-GARCIA)

57

Related posts

Leave a Comment