CAVITE – Pinaghahanap ng pulisya ang isang sasakyan na nakabangga at nagresulta sa tuluyang pagkamatay ng 27-anyos na rider saka muling nabangga ng isa pang sasakyan sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Sa mismong pinangyarihan ng insidente nalagutan ng hininga ang biktimang si Vincent Endricoso Lendo, binata, ng Brgy. Bancal, Carmona, Cavite.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng sasakyan na unang nakabangga sa motorsiklo na minamaneho ng biktima, habang ang isang sasakyan na nakabangga rin ay isang Sino truck na may plakang NHB 1573, na minamaneho ni Rodel Francis Halichic, 42, binata, ng Brgy. Lourdes, Pampanga.
Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na Honda Wave habang binabagtas ang kahabaan ng Governor’s Drive sakop ng Brgy. Bancal, Carmona, Cavite dakong alas-7:00 ng gabi.
Ngunit pagsapit sa pinangyarihan ng insidente ay binangga umano ng isang sasakyan ang motorsiklo ng biktima.
Dahil sa pangyayari, patuloy ang pag-andar ng motorsiklo at nahagip din ng isang Sino truck na minamaneho ni Halichic na noon ay binabagtas ang opposite direction ng lugar patungo sa Carmona proper, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
212