CAVITE – Patay ang isang rider nang bumangga sa isang baka na tumatawid sa kalsada sa Gen. Trias City sa lungsod na ito, nitong Biyernes ng madaling araw.
Naisugod pa sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktimang si Arsenio Aceres Jr., nasa hustong edad, isang mekaniko ng Paniqui, Tarlac subalit idineklarang dead on arrival dahil sa matinding sugat sa katawan.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Arnaldo Highway, sakop ng Brgy. Santiago, Gen. Trias City.
Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na Suzuki Shogun na may plakang 5655CM, ngunit pagsapit sa nasabing lugar ay isang baka ang tumawid sa kalsada.
Hindi na nakapagpreno ang biktima na nabangga ang baka hanggang sa mawala sa kontrol sa manibela at siya ay tumilapon.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit hindi umabot nang buhay.
(SIGFRED ADSUARA)
