CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang nagmamaneho ng isang gray na motorsiklong Honda Click, na bumaril at nakapatay sa isang 27-anyos na lalaki sa Imus City noong Lunes ng umaga.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas “Janno”, may asawa, residente ng Brgy. 4 Poblacion, General Mariano Alvarez, Cavite, dahil sa tama ng ‘di nabatid na kalibre ng baril sa katawan.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng pula at itim na stripe na polo shirt at sakay ng isang gray na motorsiklong Honda Click na may plakang D385KK.
Ayon sa ulat, nag-uusap ang biktima at isang ‘di kilalang lalaki sa Brgy. Buhay na Tubig, Imus City bandang alas-7:30 ng umaga nang lumapit ang suspek, at pinagbabaril si Janno.
Matapos ang pamamaril ay sumakay ang suspek sa kanyang motorsiklo na nakaparada ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente, at tumakas sa direksyon ng Brgy. Palico ng nasabi ring Lungsod.
Patuloy ang isinasagawang backtracking ng pulisya sa CCTV para sa pagkakakilanlan ng suspek.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamunuan ng Cavite Provincial Land Transportation Office (LTO) para sa pagkakakilanlan ng may-ari ng nasabing motorsiklo na ginamit ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
118