ROTC MAS GUSTONG OPTIONAL NG 42% PINOY

MAS pabor ang apat sa kada sampung Pilipino na maging optional lamang ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga curriculum ng senior high school students.

Ayon sa survey mula sa Social Weather Stations, 42% ang nagsabi na dapat ay optional na lamang ang ROTC kung saan ang mga mag-aaral ay maaaring pumili ng pumili ng community service bilang alternative.

Sa 1,200 katao na kabilang sa survey ay 35% ang nagsabi na dapat gawing mandatory course ito para sa Grade 11 at 12 students.

Nakabinbin pa rin sa ikalawang pagbasa sa Kongreso ang panukalang pagdagdag sa kurso sa college.

Kaugnay nito, may bwelta naman si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga taong kontra sa mandatory ROTC.

“Leave, you’re not Filipinos,” patutsada ni Enrile.

Kung mayroon lamang aniya siyang magagawang paraan ay hindi niya papayagan ang mga ito na pumasok sa eskwelahan.

“Wala na akong pasensya eh. ‘Pag ako masusunod, ‘yang mga estudyante na ‘yan na ayaw magserbisyo sa militar, ‘wag n’yong pag-aralin,” ayon kay Enrile sa isang panayam.

Tinuran pa ni Enrile na kailangan na matutuhan ng mga Pilipino na lumaban sa panahon ng giyera dahil “there’s no option but to kill.”

“Sa gyera, walang option, tatamaan ka ng bala, tatamaan ka ng missile, tatamaan ka ng bomba, patay ka. At kailangan pumatay ka rin kundi wala,” aniya pa rin.

“Kayong di nakaranas ng gyera, magsisi kayo pag wala kayong training,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, ang resulta ng survey ay malayong-malayo sa unang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na “walo sa 10 Pilipino” ang pabor sa mandatory ROTC.

Matagal nang itinutulak nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Bise Presidente Sara Duterte at ilang senador ang mandatory na pagbabalik nito sa eskwela upang maituro anila sa kabataan ang “disiplina” at “pagmamahal sa bayan.” (CHRISTIAN DALE)

357

Related posts

Leave a Comment