Sa tulong ni Cong. Fidel Nograles 200 TAGA-MONTALBAN NAGTAPOS SA TECHNICAL COURSES NG TESDA

(JOEL O. AMONGO)

PINANGUNAHAN ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles ang pagtatapos ng mahigit dalawandaang (200) residente ng Montalban sa iba’t ibang technical courses na ipinagkaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa seremonya na ginanap sa gymnasium ng nasabing bayan kamakalawa.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Ben-hur Baniqued, Provincial Director ng TESDA Rizal, aniya napakalaking tulong sa kanila ang tulad ni Cong. Nograles sa pamamagitan ng paglalaan nito ng pondo para mabigyan ng mga ganitong kasanayan ang mga residente ng Montalban.

Anya, kung hindi dahil kay Cong. Nograles ay hindi nila maisasagawa ang mga ganitong pagsasanay sa mga tao na gustong matuto lalo na sa technical courses na agad napapakinangan ng mga Pilipino.

“Ang TESDA bilang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng mga kasanayan teknikal sa ating mga manggagawang Pilipino, dun sa mga kabataan na naghahangad o kung sino pa mang naghahangad na mag-aral na magkaroon ng kasanayan upang mapataas ang antas ng kanilang kapasidad at palawakin ang pagkakataon para magkaroon ng hanapbuhay ay laging bukas ang aming tanggapan,” ani Director Baniqued.

“Ang TESDA ay patuloy na nagpapadaloy o nagpapatupad ng mga programa sa tulong ng ating mga lokal na pamahalaan, ating kinatawan ng mga distrito o kongresista upang matulungan at mabigyan ng pagkakataon na mabigyan sila ng mga programa at matuto, dun sa mga programa nais nilang makuha dakong huli ay magkaroon sila ng pagkakakitaan at trabaho upang mayroon silang maitustos sa kani-kanilang mga pamilya,” pahayag pa ni Baniqued.

Binanggit pa ng TESDA Director na makaaasa ang taumbayan na gagawa sila ng paraan sa punto na kung saan ay maipaaabot nila ang mga programa ng TESDA saan mang sulok ng Rizal.
Umaasa rin si Baniqued na magkaroon sila ng pasilidad para maisagawa ang mga pagsasanay.

Maaaring mag-enroll ng anomang technical course ang mga may edad 15 hanggang 64 at mayroon din silang special program para sa mataas pa ang edad na gusto pa ring matuto.
Umaasa din siya na bago magtapos ang 2023 ay magkaroon pa sila ng 400 scholars mula sa Montalban.

Naging emosyonal ang isang PWD habang ini-interview ng SAKSI NGAYON Team dahil sa labis na katuwaan na kasabay siyang nagtapos ng electronics kamakalawa sa pamamagitan ng tulong ni Cong. Nograles.

Siya ay si Julius John Camangyan, 50-anyos, may dalawang anak, residente ng Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Montalban na naputulan ng kanang paa dahil sa pagiging diabetic.

Naputol ang kanyang kanang paa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong Setyembre 23, 2021 at ex-OFW na hindi na nakabalik dahil sa kanyang kalagayan.

Umaasa si Camangyan na kahit naputol ang kanyang paa ay magkakaroon pa rin siya ng hanapbuhay ngayong nakapagtapos sa TESDA ng electronics.

Ayon pa sa kanya, habang nag-aaral siya sa TESDA mula Lunes hanggang Biyernes, araw-araw pinagpapraktisan niya ang kanilang mga appliances.

Ngayon malaki ang kanyang paniniwala na dadagsain na siya ng mga magpapagawa sa kanya matapos siyang makatanggap ng sertipikasyon na katunayan natapos niya ang short course sa electronics.

Kasabay nito, nanawagan si Camangyan sa may mga mabubuting kalooban na mapagkalooban siya ng puhunan para magkaroon siya ng maliit na pwesto.

Samantala, dumating sa okasyon ang lima pang kabilang sa first batch ng programa ni Cong. Nograles na nagsipagtapos ng Bread and Pastry Production noong Pebrero 2021.

Ang mga ito ay sina Eliza Sidro, Cristina Quizon, Irene Marciana, Rosemarie Cruz at Meriam Amorin.

Anila, dumalo sila sa graduation upang iparating ang kanilang pasasalamat kay Cong. Nograles sa malaking naitulong nito sa kanilang kabuhayan sa tulong ng TESDA.

Bukod sa scholar sa ilalim ng TESDA ay mayroon ding Future Natin Scholars si Cong. Nograles para sa mga apat na kurso pataas sa kolehiyo.

328

Related posts

Leave a Comment