SAPAT NA PASILIDAD SA F2F CLASSES HIRIT SA GOBYERNO

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na pasilidad ang lahat ng paaralan para sa full implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre.

Sinabi ni Gatchalian na may mga paaralan na napilitang magklase sa mga gymnasium o covered court sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan at mayroon ding mga estudyanteng kinailangang maupo sa sahig.

Ito ay dahil anya may mga paaralan na umakyat ang bilang ng enrollment dahil na rin sa paglipat ng mag-aaral.

Kasabay nito nangako ang senador na mabibigyan ng sapat na pondo ang pagpapatayo ng classrooms para matiyak ang maayos na pasilidad sa mga estudyante.

Batay sa pahayag ng Department of Education, mahigit walumpu’t anim na bilyong piso ang kakailanganin sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa 2023.

Samantala, pinasalamatan ni Gatchalian ang mga frontliners sa edukasyon para sa pagtiyak sa pagpapatuloy ng edukasyon at sa pagbubukas ng mga paaralan sa kabila ng nananatiling banta ng COVID-19.

Tinukoy ng senador ang mga guro, punong-guro, at mga schools superintendent na naghanda sa mga paaralan at nagsagawa ng mga hakbang tungo sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes. (DANG SAMSON-GARCIA)

111

Related posts

Leave a Comment