SCAFFOLDING SA QC HOUSING PROJECT BUMIGAY, 1 PATAY

PATAY ang isang construction worker at 10  iba pa ang sugatan nang gumuho ang scaffolding sa ginagawa nilang housing project sa Quezon City kahapon ng umaga.

Dead on arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Francis Anzures, 45, ng Brgy. Baesa, QC dahil sa mga tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang kanyang mga kasamahang sina Renato Gallo, 49, foreman; Jerick Medino, 20; Mark Dave Asis, 21; Reynante Mandak, 50; Junrey Acoymo, 38; Jayson Rebalga, 27; Jerald Silvio, 20; Jorie Modesto, 40; Emmil Jay Medino, 25; at Rainwick Gallo, 39.

Sa inisyal nat ulat ng La Loma Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa housing project sa 32 Sto. Cristo St., Brgy. Balingasa.

Nabatid na ang proyekto ay inisyatiba ng Quezon City Government para sa kanilang mga residente na ipinasa sa isang pribadong kontraktor.

Tiniyak naman ni Elmo San Diego, head ng Quezon City Department of Public Order and Safety na masusi na nilang iniimbestigahan ang kontraktor ng proyekto.

Tigil rin muna aniya ang konstruksiyon habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

“Iimbestigahan muna ‘yon kung ‘yong safety procedures, safety protocols, nasunod nila. Otherwise, pasu-suspend muna natin construction kung hindi nasunod mga regulasyon natin,” pahayag ni San  Diego. (LILY REYES)

10

Related posts

Leave a Comment