SDO NI VP SARA ITINAKBO SA OSPITAL

ITINAKBO sa emergency room (ER), Lunes ng gabi ang special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta matapos sumama ang pakiramdam habang nakasalang sa pagtatanong ng mga kongresista.

Habang isinasailalim ni Batangas Rep. Jinky Luistro sa pagtatanong si Acosta hinggil confidential funds ng OVP, humingi ng break si Vice President Sara Duterte sa House committee on good government and public accountability dahil simula pa lamang umano ng pagdinig ay umiiyak na ito.

Dahil dito panandaliang sinuspinde ang pagdinig at nang mag-resume ay tinanong ni Luistro si Acosta kung ano ang nararamdaman nito kung saan sumagot ito ng ‘nanginginig’ subalit iginiit ng mambabatas na hindi naman ito sinisigawan.

Inatasan ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng nasabing komite, ang resident doctor ng Kamara na suriin si Acosta at kalaunan ay isinakay na ito sa wheelchair at inilabas sa committee room na personal na sinamahan ni Duterte palabas.

Nang bumalik sa Committee room si Duterte, nagpaalam ito na aalis para samahan si Acosta dahil dadalhin aniya ito sa emergency room at nangakong babalik sa susunod na pagdinig na pinayagan naman ng mga kongresista.

Sa mensahe naman na nakuha ng mga mamamahayag kay Atty. Leandro Resurreccion IV ng OVP Legal department, Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dakong alas-6:38 ng gabi.

“Ms Gina is currently unresponsive for now so House Medical Director Luis Bautista declared it an emergency,” ayon sa mensahe ni Resurreccion sa mga mamamahayag kaya dinala ito sa ER.

Maraming tanong ang hindi nasagot ng direkta ni Acosta tulad kung kilala nito ang mga recipient ng confidential funds gayung base sa batas ay siya ang dapat umanong personal na mag-disburse sa confidential funds ng OVP.

Wala rin itong ideya kung sino sina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin na kabilang sa mga recipient ng confidential funds ng OVP partikular noong 2022 bagkus ay itinuro nito ang security officer ng OVP na nangangalang Col. Lachica na nakakaalam sa paggastos sa confidential funds.

Inamin ni Acosta na ibinigay niya ang pera kay Lachica dahil ito umano ang direktiba sa kanya ng Bise Presidente. (BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment