SENADO, ON TRACK SA PAGPASA NG 2024 NATIONAL BUDGET SA DISYEMBRE

TINIYAK ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na matatapos nila ang pagpasa sa panukalang 2024 National Budget sa ikalawang linggo ng Disyembre upang agad malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Zubiri na inasaahan nilang sa pagbabalik ng sesyon sa November 6 ay maisusumite na sa kanila ng Kamara ang inaprubahan nilang General Appropriations Bill at agad naman nilang masisimulan ang plenary debates.

Sa ngayon kasi anya kahit naka-break ang sesyon ay tuloy-tuloy ang mga committee hearings para busisiin ang panukalang budget ng bawat ahensya.

“Overall ang plano talaga namin by November 10, mag-uumpisa na po ang ating plenary debates. 2nd week of November ang plenary debates, hopefully by end of November tapos na po, two weeks lang po ang iniisip naming mga debate dyan sa plenaryo, and by end of November we will approved it on 2nd and 3rd reading,” paliwanag ni Zubiri.

“We will have bicam committee by the last week of November to the 1st week of December. Maybe by December 8,9,10 thereabouts maratify na po natin yan. And maipasa na po natin sa Malakanyang for the signature of the President,” dagdag ng senate leader.

“So we are on track, mga kapatid, mga kababayan, naka-schedule na po kami na maipasa ang national budget by the end of the year, December para mapirmahan na po ng Pangulo bago mag-Bagong Taon,” giit pa ng senador.

CONFIDENTIAL FUND, MADUGONG USAPIN

INAMIN naman ni Zubiri na nagulat siya sa deklarasyon ni House Speaker Martin Romualdez na tatapyasan at tatanggalan nila ng confidential and intelligence fund ang mga civilian agencies.

Una nang kinumpirma ni Marikina City Rep.Stella Quimbo na kasama ang Office of the Vice President at Department of Education at walo pang ahensya sa matatanggalan o matatapyasan ng confidential fund.

“That is a pleasant surprise,” pahayag ni Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na sa panig ng Senado ay matagal na nilang inihayag na plano nilang rebisahin ang lahat ng CIF kaya’t binuo nila ang Oversight Committee on the Confidential and Intelligence Fund.

Sa pulong anya ng kumite, nakita nila na marami sa mga nabigyan ng CIF ang hindi naman tugma sa nilalayon ng budget ang kanilang pinagkagastusan.

“So we already made a statement as early as last month that we will make a review of their budgets and may matatapyasan talaga o may matatanggalan. That was our statement originally kaya nagulat po ako kasama ko po si Speaker Romualdez last week, this week sa MOPC, yung Manila Overseas Press Club na speaking engagement ko, katabi ko po siya. Binanggit niya sa akin na tatanggalin daw niya lahat ng CIF ng mga civilian agencies or departments,” salaysay ng Senate Leader.

Kung aamyendahan anya ng Kamara ang panukalang budget at aalisin na ang CIF ng ibang ahensya ay mas magiging madali sa Senado ang kanilang pagtalakay sa budget.

KUSANG PAGSUKO NG ILANG AHENSYA NG CIF, MAGANDANG INDIKASYON

MALAKING bagay naman para kay Zubiri ang pagtanggi na mismo ng ilang ahensya na tumanggap ng CIF na malaya na nilang maililipat sa ibang ahensya na nangangailangan nito.

Tinukoy ni Zubiri ang P50 million na pondo sana para sa Department of Foreign Affairs na maaaring ilagay sa intelligence fund ng Philippine Coast Guard na sa ngayon ay mayroon lamang P10 million.

Idinagdag din ni Zubiri ang P51 milliom mula sa Office of the Ombudsman na malaking bagay anya na mailagay sa National Intelligence Coordinating Agency o sa Department of National Defense.

“So malaking development po yan, nagpapasalamat kami kay Ombudsman Martires, nagpapasalamat po kami kay Secretary Manalo kusang loob na mismo silang nagsasabi na willing po silang igive up ang kanilang CIF. I think most of their needs naman can be addressed by line item in the budget,” diin ni Zubiri.

CIF NG LGUs, DAPAT DING TUTUKAN

IPINAALALA ni Zubiri na hindi lamang ang national government ang mayroong CIF.

Iginiit ng senate leader na dapat ding pagtuunan ng pansin ang CIF ng mga local government unit dahil pera rin ito ng taumbayan.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng plano ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na maghain ng panukala na magsisilbing gabay sa kung aling tanggapan lamang ang bibigyan ng CIF.

“Actually maganda po yan. Pero that can be controversial. What about the LGUs kasi kung tinignan nyo po ang LGUs, halos lahat ng LGUs may confidential fund. Tignan nyo mga cities lahat po yan may confidential funds. Lahat ng tao nakatutok lamang sa national agencies, what about LGUs. Malaki po yan, silipin nyo po yan. Yan nag mahirap na bantayan,” diin ni Zubiri.

“If you come up with a law, I will suggest na isama ang LGUs. Pero hindi ko lang alam that is in violation of his father’s law which is the Local Government Code. Kasi ang Local Government Code there is autonomy when it comes to the auditing fo LGus,” dagdag nito.

(Dang Samson-Garcia)

119

Related posts

Leave a Comment