SEXUAL HARASSMENT SA FEU HS, KINONDENA

0

KINONDENA ni Senador Win Gatchalian ang mga sinasabing sexual harassment na kinasasangkutan ng ilang guro sa Far Eastern University (FEU) high school.

Ito ay matapos ilahad ng ilang mag-aaral sa Twitter ang kanilang naging mga karanasan bilang biktima ng pang-aabusong sekswal sa kamay ng kanilang mga guro.

Ilan sa mga insidenteng ito ay nangyari bago pa sumiklab ang pandemya.

Bagama’t hinimok ni Gatchalian ang pamunuan ng FEU high school na panagutin ang mga nang-abuso sa mga mag-aaral, nanawagan din ang mambabatas sa mga paaralan na tiyakin ang maigting na pagpapatupad ng kanilang child protection programs.

Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, walang puwang sa mga paaralan para sa anomang uri ng pang-aabuso.

Tinukoy ni Gatchalian ang DepEd Order No. 40, s. 2012 na nagbibigay mandato sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at high school na bumuo ng mga Child Protection Committee (CPC).

Ang komiteng ito ay nagbibigay mekanismo sa mga paaralan upang tugunan ang mga insidente ng pang-aabuso.

Kabilang sa mga tungkulin ng CPC ang paglikha ng mga child protection policies, ang pagtukoy sa mga mag-aaral na maaaring dumaranas ng pang-aabuso, at ang pag-ulat sa mga kaso ng child abuse.

Mandato rin ng CPC na makipag-ugnayan sa Philippine National Police-Women and Children Protection Desk (PNP-WCPD), Local Social Welfare and Development Office (LSWDO), mga iba pang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations.

Matatandaan na noong nakaraang Enero, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang paglikha ng Child Protection Unit na may counterpart sa mga regional at division offices upang suportahan ang mga CPCs sa mga paaralan.

“Walang lugar sa ating mga paaralan ang ano mang uri ng pang-aabuso sa mga kabataan. Hindi natin dapat hinahayaang patuloy na nakakapambiktima ang mga nasa likod ng ganitong mga insidente laban sa mga mag-aaral na dapat sana ay pinananatili nilang ligtas,” diin ni Gatchalian.

Noong nakaraang taon, may mga mag-aaral at alumni ng Miriam College High School ang nagbahagi rin ng kanilang karanasan sa Twitter ukol sa pang-aabuso ng ilang guro sa naturang eskwelahan. (DANG SAMSON-GARCIA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment