‘SIGA NG TONDO’ ARESTADO

NAGWAKAS ang paninindak ng umano’y siga-siga sa Tondo, Manila nang maabutan ito ng mga tauhan ng Asuncion Police Community Precinct sakop ng Manila Police District- Station 2 habang naghahamon ng away sa gitna ng kalye at armado ng baril.

Tumiklop ang suspek na si Alover Garzola nang arestuhin bandang 3:30 ng madaling araw.

Sa ulat na isinumite ni PCpl. Richard Panaga, may hawak ng kaso, kay Police Lt.Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, nagdudulot ng takot sa kanyang mga kalugar ang pagwawala ng suspek.

Ayon kay Lt.Col. Lorenzo, kamakalawa, isang residente ang naglakas ng loob magsumbong sa tanggapan ng Asuncion PCP dahil muli umanong naghahasik ng takot ang suspek na palakad-lakad sa kahabaan ng Sto. Niño St., Tondo na armado.

Rumesponde sina PCpl. Nervin Nickson Sacote at PCpl. John Michael Dela Cruz. Namataan nila si Garzola sa panulukan ng Moriones sa Barangay 37 at doon na ito inaresto.
Nakuha sa suspek ang 9MM na may anim na bala.

Si Garzola ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition at RO 844 ( Breach of Peace).

Pinuri naman at pinasalamatan ni MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang dalawang pulis sa mabilis nilang pag-aksyon. (RENE CRISOSTOMO)

4

Related posts

Leave a Comment