KASUNOD ng pagtuligsa sa umano’y palpak na implementasyon ng gobyerno at telecom companies sa ipinaiiral na Sim Card Registration Law ay lumitaw rin na ang online scams ang nangunguna sa top 10 cybercrime cases ng Philippine National Police base sa datos ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ito ang lumitaw sa nakalap na pag-aaral base sa record na naitala ng PNP-ACG sa loob lamang ng walong buwan o mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PNP-ACG Director P/BGen. Sydney Sultan Hernia, patuloy ang pagtaas ng mga kaso na kanilang naitala ukol sa iba’t ibang uri ng cybercrimes sa bansa.
Bukod sa online scam, mataas din aniya ang bilang ng iba pang cybercrimes, katulad ng illegal access, computer related identity theft, ATM/credit card fraud, threats, data interference, anti-photo and video voyeurism, computer related fraud, at unjust vexation.
Sa datos ng PNP-ACG, umabot sa 16,297 kaso ng cybercrime sa buong bansa ang kanila nang natutukan at patuloy na iniimbestigahan.
Sa kasaysayan ng Anti-Cybercrime Unit, ito na ang itinuturing na record-breaking o pinakamarami.
Nabatid na malaki rin ang naging ambag sa paglobo ng cybercrime cases ang paggamit ng mga hindi rehistrado at fake registered sim cards.
Kamakailan ay ipinakita sa media ng Presidential Anti-Organized Crime Commission kung paano nakalulusot ang mga pekeng registration ng SIM card.
Para sa ahensya, mas malala pa umano ang mga insidente ng scamming kaysa mga kaso ng ilegal na droga.
Habang ang National Bureau of Investigation naman ay nagawa umanong makapagparehistro sa online ng Sim card gamit ang pekeng Identification Card na may larawan ng mukha ng unggoy.
Ipinagtanggol naman ito ni Sen. Grace Poe, ang may akda ng SIM Registration Act, sinabing nasa implementasyon ng mga ahensya ng gobyerno at ng mga telco ang problema.
“The law has enough teeth against fraudsters as well as safeguards to the privacy of our people… Concerned agencies and telcos must be able to plug the loopholes in their effective implementation without halting registration,” ayon sa senador.
“Nasa gobyerno ang responsibilidad para mapabuti ang sistema,” dagdag pa nito.
May mga sumisisi rin sa umano’y mass production at importation ng SIM card ng mga telco na ginagamit sa mga cellphone at bank cards.
(JESSE KABEL RUIZ)
330