SINGAPORE NAUNGUSAN NA NG PH SA PAGBABAKUNA

PINALAGAN ng Malakanyang ang paratang ng mga kritiko ng Duterte administration na kulelat ang Pilipinas pagdating sa dami ng mga nabigyan na ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, kung pagbabasehan ang datos ukol sa bilang ng mga nabakunahan ay pumapangalawa na aniya ang bansa sa ASEAN region.

Bukod dito, hindi naman nakikipag-unahan o nakikipagkumpetensya ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa rehiyon subalit kailangan lamang aniya na sabihin ang totoong estado ng vaccination program para patunayan sa mga kritiko na mali ang kanilang mga paratang.

Sa kasalukuyan, inuuna aniyang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagkakamit ng herd immunity sa NCR Plus bubble hanggang sa umabot na ito sa buong bansa.

Pero kahit sa Metro Manila at mga karatig lalawigan lamang muna aniya magkaroon ng herd immunity ay napakalaking bagay na dahil alam naman ng lahat na ang bulto ng kaso ng COVID-19 ay nasa NCR Plus areas.

Sa ulat, pumangalawa na ang Pilipinas sa ASEAN region sa usapin ng dami ng mga nabakunahan laban sa COVID-19.
Dahil dito, naungusan pa ng Pilipinas ang Singapore.

Noong nakaraang linggo, nasa ikatlong pwesto lamang ang Pilipinas, kasunod ang Singapore, habang nangunguna ang Indonesia.

Batay sa datos na iprinisinta ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., lumalabas na nasa mahigit 2,409,235 na ang bilang ng mga Pilipinong nabakunahan kontra COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

28

Related posts

Leave a Comment