Sinimulan ni DU30 ipinagpatuloy ni BBM CF MISTULANG CANCER NA KUMALAT SA GOBYERNO

MISTULANG sakit na cancer ang confidential funds dahil kumalat na ito sa halos lahat ng mga ahensya ng gobyerno kaya kailangang gamutin ng Kongreso sa lalong madaling panahon.

Ito ang pahayag ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel kaugnay ng kontrobersyal na pondo na nasindihan nang matuklasan ang P125 million confidential fund na ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kay Vice President Sara Duterte at nagastos sa loob lamang ng 11 araw.

“Ang confidential funds ay kanser na kumakalat na sa buong burukrasya,” ani Manuel, dahil mula sa dating 16 ahensya na may ganitong pondo noong 2012 ay umaabot na ito sa 28 na kinabibilangan ng Office of the Vice President, at Department of Education (DepEd).

Dahil dito, hindi lamang aniya ang confidential funds ni Duterte sa OVP at DepEd ang dapat tanggalin kundi ang sa lahat ng mga ahensya na walang kinalaman sa national security, kung nais ng gobyerno na magamot ang sakit na ito na kumakalat ngayon sa mga lider ng pamahalaan.

Itinuro ni Manuel si dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagpasimula ng confidential fund cancers dahil bago ito naging pangulo ng bansa ay P700 million lamang ang confidential funds ngunit naging P4.9 billion noong 2017.

Ang confidential funds ay hiwalay sa intelligence funds na karaniwang ibinibigay lamang sa national security at law enforcement agencies tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Allowance na sana ng teachers – solon

Samantala, sinabi naman ni ACT Party-list Rep. France Castro, katumbas ng 13 taon na allowance ng 17,000 public school teachers sa Davao City ang P2.697 billion na ginastos ni VP Duterte sa 6 na taon nito bilang mayor ng Lungsod.

Ayon sa mambabatas na dating public school teacher, magkakaroon ng P1,000 allowances ang public school teachers sa Davao City kada buwan kung ginamit lang ni Duterte ang pondong ito sa kanila imbes na sa hindi maipaliwanag na mga bagay.

“This funding could have greatly contributed to improving the quality of education by ensuring that teachers had access to essential teaching materials and resources, ultimately benefiting the learning experience of countless students at least for Davao City,” ayon pa sa mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

355

Related posts

Leave a Comment