SOLON SA DOLE: IPATUPAD ANG OCCUPATIONAL SAFETY PROTOCOLS

NAALARMA si Senador Joel Villanueva sa impormasyon na umabot na sa 327 manggagawa sa isang construction site sa Taguig City ang nagpositibo sa COVID 19.

Dahil dito, nanawagan ang senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na paigtingin ang inspeksyon sa mga workplace upang matiyak ang ligtas na lugar ng trabaho.

Dapat anyang tiyakin ng DOLE na nasusunod ang occupational safety and health protocols at ang mga hakbangin sa pag-iwas sa pagkalat ng virus.

Pinaalalahanan din ng senador ang mga employer na sumunod sa mga patakaran ng DOLE at ng Department of Trade and Industry kaugnay sa health protocols.

Nakapaloob anya sa guidelines na inilabas noong Mayo na mandato ng safety officers na imonitor ang pagtalima sa COVID-19 prevention at control measures sa kanilang trabaho.

Hindi anya dapat mahadlangan ang mga safety officers na maglabas ng work stoppage order sa sandaling may magpositibong manggagawa.

“Hindi po dapat magdalawang-isip ang mga safety officers na magpatigil ng trabaho kaagad kapag may kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar-paggawa upang maiwasan ang pagkahawa ng iba sa

pasyente. Inatasan po ang mga safety officers na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa ilalim ng ating batas,” saad ni Villanueva. (DANG SAMSON-GARCIA)

232

Related posts

Leave a Comment