SUSPEK SA MSU BOMBING NABITAG NG MILITAR

KASALUKUYANG bineberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ‘affiliation’ o koneksyon sa Daulah Islamiyah-Maute terror group ng nahuli nilang suspek sa pagpapasabog sa loob ng gym ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.

Nilinaw kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hindi pa nila tukoy kung saang grupo kabilang ang inarestong si Jafar Gamo Sultan, alyas “Jaf” at “Kurot”.

Sinasabing si Sultan ay kasabwat umano ng isang alyas “Omar” na taong tinukoy ng mga testigo na nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium.

Subalit napag-alaman na ngayon lang lumutang ang pangalan ni Omar at iba ito sa pangalan ng dalawang ‘person of interest’ na kinilala ng Philippine National Police.

Lumilitaw sa unang report ng PNP, isang Kadapi Mimbesa alyas “Engineer” ang may dala ng bag na pinaniniwalaang pinaglagyan ng bomba.

Una nang sinabi ng AFP na ang pagkakahuli kay Sultan ay pagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno na mapanagot ang mga responsable sa inilunsad na terrorist attack.

Sa inisyal na datos na nakalap ng AFP, ang mga suspek sa pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) ay konektado sa mga nasa likod ng 2017 Marawi Seige.

Ayon kay AFP Spokesman Col. Medel Aguilar, bina-validate nila ang hawak na impormasyon na sina Kadapi Mimbesa alyas “Engineer” at Arsani Mimbesa na kilala sa mga alyas na “Lapitos/Hatab/Khatab,” ay remnants ng Daulah Islamiya Maute group sa Marawi.

Sa ngayon, puspusan ang hot pursuit operations ng AFP at Philippine National Police (PNP) upang madakip ang tinutukoy na mga suspek at iba pang responsable sa nasabing bomb attack.

Una nang nag-alok ang gobernador ng Sultan Kudarat Datu Pax Ali Mangudadatu ng P1 milyong reward money sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek.

Sinasabing si alyas “Engineer” ay dating estudyante ng MSU pero hindi nito tinapos ang kanyang kursong Bachelor of Science in Agricultural Engineering.

Sa nasabing pagsabog sa MSU, apat ang kumpirmadong namatay habang hindi naman bababa sa 50 ang sugatan.

(JESSE KABEL RUIZ)

264

Related posts

Leave a Comment