(NI ATTY. VIC RODRIGUEZ/PUBLISHER)
GASGAS ang pangalan ni dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa mga tinaguriang ‘tarador’ ng Bureau of Customs sa bawat lagay o tara na ipinanghihingi umano ng mga ito para sa kampanya ng paboritong kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa mapagkatiwalaang ‘saksi’ sa Aduana, umano’y pinamumunuan ng isang Alyas ‘Marics Winner’ ang koleksyon raket para umano sa campaign fund raising ni Go.
Sa sumbong ng ‘saksi’ sa PeryodikoFilipino, Inc. investigative team, si Alyas Marics Winner ay bahagi ng tinatawag sa Aduana na “dynamic duo” na mga talamak na ‘tarador’ sa mga pantalan ng bansa.
Ang ‘tara’ ay aabot sa halagang P36k kada lata, o container, at ito ay pinaghahatian ng hindi bababa sa sampung (10) tanggapan ng tinaguriang pinakakorap na ahensiya, magmula sa Office of the Commissioner hanggang district collectors,” pahayag pa ng ‘saksi’ sa PFI investigative team.
Nagbigay rin ang ‘saksi’ ng isang detalyadong listahan ng mga opisyal na nangongolekta at tumatanggap ng pera at gumagamit sa pangalan ni Go para kumolekta ng tara sa mga negosyante at importers.
Nagbabala pa ang ‘saksi’ sa interbyu ng PFI investigative team na matapang at buo ang loob ng mga tiwaling opisyal sa kanilang lantad at tahasang pagsuway sa personal na kampanya ni Pangulong Duterte laban sa korapsiyon “kung kaya’t marami ang kumbinsido na ang ‘tarahan’ ay malamang sa hindi ay mayroong ngang basbas mula sa isang mataas na opisyal na malapit kay Duterte.
Makailang ulit nang nagbanta ang Pangulo ng republika na kanyang sisibakin sa puwesto ang sinomang opisyal na maulinigan niyang sangkot sa iligal na gawain gaya ng pangungurakot, influence peddling at mga gumagamit ng kanilang posisyon para magpayaman.
Base sa ipinakitang listahan ng ‘saksi,’ detalyado ang mga personalidad at opisina sa BOC na sangkot sa P36k ‘tara’ per container at kung paano at magkano ang kanilang nagiging hatian sa utos umano ng isang abogado mula sa tanggapan ni Commissioner Guerrero.
Mariin ang bintang ng ‘saksi’ sa Aduana na si ‘Marics Winner’ lang umano ang authorized na mangasiwa ng ‘centralized tara system’ sa pagitan ng Office of the Commissioner (Ocom), IG at Office of the Collector kung kaya’t nananawagan ang mga negosyante kay Senatorial Candidate Go na imbestigahan at ipahuli at usigin ang nasa likod nitong ‘tara’ sa BOC.
Patuloy ang pagsasaliksik ng PFI investigative kung gaano kalawak ang ‘centralized tara system’ at kung sino pa, maliban sa ‘Dynamic Duo,’ ang obyus na kalawang sa BOC.
823