PINAGTIBAY ng Kongreso ang panukalang batas ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves na muling pagsasaayos at pagkunsinti sa lahat ng interes, surcharge at ibang parusa ng mga pautang ng mga magsasaka at mangingisda mula sa mga ahensya ng pagpapautang ng gobyerno upang matulongan ang sektor ng agrikultura na maging mas produktibo.
Ang House Bill No. 2877 na kinilala rin bilang Agrarian and Agricultural Loan Restructuring Act, ay naglalayon na maglaan para sa restructuring at condonation ng hindi nabayarang interes, mga multa at surcharge sa mga pautang na sinigurado ng mga magsasaka , mangingisda at agrarian reform benificiaries (ARBs) mula sa Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture, People’s Credit and Finance Corp., Cooperative Dev’t at iba pa.
Nagpahayag din si Teves ng kumpiyansa na ang kanyang panukalang batas ay makakalusot sa Senado para sa agarang suporta para sa labis na pasanin ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa pahirap dulot ng paglobo ng interes ng kanilang mga pautang.
Sinabi ni Teves na prayoridad ng Kongreso na isulong ang mga programang agrikultura ng pamahalaang Marcos na nabanggit nito sa kanyang State of The Nation Address (SONA) para sa paglago ng trabaho upang himukin ang sektor tungo sa modernisasyon.
