Todo-bantay sa inmates SUNOG SUMIKLAB SA TABI NG MCJ

TODO-BANTAY ang mga awtoridad sa inmates sa Manila City Jail nang sumiklab ang sunog sa tabi ng piitan sa Bilibid Viejo, Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila noong Miyerkoles ng gabi.

Bunsod ng masikip na mga daan sa residential area sa tabi ng MCJ, walang naisalbang gamit ang mga residente dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan sa Barangay 310, Zone-31 sa Sta. Cruz.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-9:41 ng gabi na umabot ng ikalimang alarma at tuluyang naapula dakong alas-6:24 ng umaga kinabukasan.

Umabot sa mahigit 500 pamilya, katumbas sa 1,500 indibidwal, ang pansamantalang nananatili sa covered court ng barangay at sa gilid ng kalye kung saan nagpadala ng mga rasyon ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Manila.

Kaugnay nito, ang inmates sa south sector ng MCJ ay inilipat sa ibang kulungan dahil sa nalanghap na makapal na usok mula sa nasunog na mga kabahayan.

Naibalik na ang halos 600 inmates sa kanilang selda makaraang ideklarang kontrolado na ang nasabing sunog

Nabatid sa imbestigasyon ng Arson Division ng BFP, tinatayang mahigit P3.75 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)

28

Related posts

Leave a Comment