PINASALAMATAN ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang United Nations sa plano nitong makalikom ng $32.9 million upang matulungan ang maraming lugar sa Pilipinas na nalugmok dahil sa mistulang pumaparadang mga bagyo na nananalasa sa bansa.
Ayon kay NDRRMC Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang hakbangin na ganito ng United Nations ay makatutulong nang malaki para higit pang palakasin at patatagin ang kapasidad ng gobyerno sa pagresponde sa mga sakuna na tatama sa bansa.
Nabatid na mismong ang Department of Social Welfare and Development ay nagpahayag na paubos na ang kanilang P1 billion na quick response funds matapos gastusin sa mga biktima ng limang huling tropical cyclones na tumama sa bansa.
“More than P1 billion ‘yung total humanitarian assistance na po ang naipamahagi ng inyong DSWD. Out of that, more than 1.4 million na family food packs ang ating naipamigay dito sa mga probinsiya na apektado ng limang nagdaang bagyo,” pahayag ni DSWD Undersecretary Edu Punay.
Kaugnay nito, ang Philippine Humanitarian Country Team (HCT), na pinamumunuan ng United Nations (UN), ay pinasimulan na ang Humanitarian Needs and Priorities (HNP) Plan para suportahan ang halos nasa 210,000 katao na naapektuhan ng nagdaang mga bagyo, partikular sa Bicol, Calabarzon at Cagayan Valley.
Ang Humanitarian Needs and Priorities (HNP) Plan ay ilalaan para sa pagliligtas at proteksyon para sa vulnerable groups.
Kaugnay nito, hinimok ni UN Philippines Resident and Humanitarian Coordinator Gustavo Gonzalez ang resource partners na suportahan ang HNP para makalikom pa para sa naturang funding.
Samantala, nagkaloob naman ng karagdagang P196 million ($3.5 Million) ang United States government, sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID), para suportahan ang pamahalaan ng Pilipinas para sa mga nasalanta ng Tropical Storm Kristine, (internationally name: Tropical Storm Trami).
Ang nasabing funding ay dagdag lamang sa unang P84 million ($1.5 million) na ipinahayag noong nakalipas na buwan para magkaloob ng emergency shelter, water sanitation, hygiene assistance, at critical logistics support, kaya umabot na sa P280 million ($5 million) ang kabuuang tulong ng Amerika sa Pilipinas kaugnay sa epekto ng nagdaang mga bagyo.
“As your friend, partner, and ally, the United States is committed to working with the Philippine government and people as they rebuild and recover,” pahayag ni U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson. (JESSE KABEL RUIZ)
49