ULO NG MSU BOMBERS PINATUNGAN NG P1-M

MAKARAANG magsampa ng kasong kriminal ang Philippine National Police laban sa kasabwat ng mga sangkot sa Mindanao State University, naniniwala ang mga awtoridad na mapabibilis ang pagdakip nila sa mga ito matapos na mag-alok ng P1 milyong patong sa ulo ng mga suspek .

Nabatid na naglaan ng P1 milyong pabuya ang PNP para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan at pagkakakilanlan ng dalawang lalaking tinukoy nilang persons of interest (POIs) sa pagpapasabog sa gym ng Mindanao State University sa Marawi noong Disyembre 3.

Una rito, inihayag ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director Brig. Gen. Allan Nobleza na sinampahan na nila ng kasong kriminal ang sinasabing kasabwat na si Jaffar Gamo Sultan alyas “Kurot”, na nahuli ng militar.

Ayon kay PNP PIO acting chief, Col. Jean Fajardo, bukod sa P1 milyong pisong pabuya, naglabas na rin ng hotline ang PRO BAR na maaaring tawagan ng makapagbibigay ng impormasyon sa dalawang POIs.

Magugunitang kinilala ng PNP ang dalawang POI na kanilang pinaghahanap na sina Kadafi Mimbisa alyas “Engineer” at Arsani Membisa alyas “Lapitos” na pawang mga miyembro umano ng Dawlah-Islamiyah Maute Group na posibleng may kinalaman din sa pagpapasabog sa MSU.

“Meron na ring P1 million reward na inilabas for the immediate identification nitong 2 POIs natin. So by publishing these pictures, please help us para madali nating matunton ang kinaroroonan nitong mga POIs na ito,” aniya.

“At kaugnay nito ay naglabas din hotline ang PRO BAR para kung meron man kayong information that would lead to the identification of these 2 POIs whom we believe and we have reasonable ground maliban kay Engineer at Lapitos ang involved sa naging pagsabog sa MSU,” ani Fajardo.

Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame sa Quezon City, ipinakita ni Fajardo ang ilang CCTV footages kung saan nahagip ang dalawang POIs, na makikitang may dalang itim na bag ang isang lalaki na pinaniniwalaang may lamang bomba.

Nakita rin sa CCTV ang pagpasok sa MSU at paglabas ng POIs sakay ng motorsiklo matapos ang pagsabog.

Nahuli naman sa bisa ng warrant of arrest ng mga operatiba ng Special Investigation Task Group Dimaporo Gymnasium Explosion, ang dalawa pang personalidad na mayroong pending na murder cases sa Marawi City.

Sinasabing ang mga ito ang kumanlong sa dalawang persons of interest na sina Cadafi Mimbesa alyas “Engineer” at Arsani Mimbesa alyas “Lapitos”.

“Ang pinaniniwalaan natin ito ay mga miyembro ng DI Maute group at

titingnan natin kung ito ba ay may involvement sa MSU dahil according to some information that we received after the incident ay dito sa area tumakbo sina Engineer,” ani Fajardo.

“We received information na itong si Jafar doon sa kanyang bahay nag- meeting at nagplano sina Engineer at Lapitos para pagplanuhan ang gagawing pagpapasabog sa MSU,” aniya pa.

Aminado naman ang PNP na hamon ngayon sa kanila ang pagtukoy at pagberipika sa totoong pagkakakilanlan ng mga sangkot sa pagpapasabog sa MSU sa Marawi noong Disyembre 3.

(JESSE KABEL RUIZ)

223

Related posts

Leave a Comment