VIRUS NA TUMAMA SA ILANG RESIDENTE SA SAMAR SINUSURI

SINIMULAN na ng health officials ang pagkuha ng specimen samples sa mga pasyenteng tinamaan ng Hand, Foot and Mouth Disease sa Borongan, Eastern Samar para malaman kung anong virus ang naging sanhi nito.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng Borongan, posibleng alinman sa Coxsackievirus or enterovirus ang nakakaapekto ngayon sa mga pasyente.
Isinailalim sa throat swab at anal swab ang mga pasyente.

Ang mga nakuhang samples naman ay dadalhin sa RITM sa Metro Manila para mapag-aralan.

Sa latest na data mula sa City Epidemiology and Surveillance Unit, aabot na sa 180 ang kaso ng HFMD sa nasabing siyudad.

Umaabot na rin sa 38 na mga barangay sa Borongan City, Eastern Samar ang naiulat na may mga kaso ng HFMD at posible pa itong madagdagan kung mapupuntahan pa ang ilang mga barangay.
Nagdeklara na rin ang City Health Office ng Hand, Foot and Mouth Disease Outbreak.

Ang mga tinamaan ng sakit ay karamihan batang lalaki na hindi lalagpas sa 10-anyos.

Ang mga sintomas ng sakit ay lagnat, walang ganang kumain, kalimitang pagka iritable ng sanggol at maliliit na bata, pulang rashes na walang pangangati na kung minsan ay may makikitang paltos sa palad, talampakan, at puwet, masakit at mapulang paltos sa dila, gilagid at sa loob ng pisngi, masamang pakiramdam at masakit ang lalamunan.

Ang HFMD ay isang viral infection at nakahahawa sa pamamagitan ng respiratory droplet kung umubo ang isang may sakit o paghawak ng isang bagay na hinawakan ng pasyenteng may HFMD kaya ipinapayo ang pagsusuot ng face mask at laging paghuhugas ng kamay. (NILOU DEL CARMEN)

(Photo courtesy: CESU Borongan)

288

Related posts

Leave a Comment