MAAARI nang magpakuha ng COVID-19 rapid test ang mga Manileño na hindi na pipila pa sa ‘Drive Thru’ COVID-19 Testing Clinic sa Manila City Hall at Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila.
Sa press briefing ng Malakanyang ay sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na mayroon na silang walk-in COVID-19 testing sa Ospital ng Sampaloc.
Magkakaroon din aniya ng walk-in COVID-19 testing ang Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Justice Jose Abad Santos, Ospital ng Maynila at Ospital ng Tondo.
“So both, those patients and those who are not have that kind of confidence na baka mayroon na sila, so they can just walk in.-We made walk-in testing, adjacent to the hospital para di na sila kailangan pumasok at kabahan. Within 24 hours, malalaman nila ang resulta,” ayon kay Mayor Isko.
Sinabi pa ng alkalde na bahagi ito ng testing, tracing at treatment sa siyudad ng Maynila.
“Well, ang Maynila po ay isa sa sentro ng komersyo at isa po talaga sa challenge namin ay iyong bagsakan ng mga produkto ay nasa Maynila, domestic and international. Nanggagaling iyong ibang goods sa iba’t ibang mundo, sa Maynila po bumabagsak kaya napakalaking hamon po talaga sa amin sa Maynila. At the same time, we really wanted to operate and we are trying to be a good neighbor to our neighboring cities in Metro,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ibinahagi rin ni Mayor Isko na nagtayo ang lungsod ng Maynila ng maraming quarantine facilities.
Aniya, ang City of Manila ay mayroong 12 quarantine facilities at mayroong 545 bed capacity.
Bukod pa sa mayroon din aniya silang dalawang kakaibang quarantine facility at ito ay quarantine facility sa buntis na may infection.
“So from time to time, magagamit din natin iyong makina natin to continue to test them inside the hospitals,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
100