WEBSITES NA KONEKTADO SA NPA PINA-BLOCK SA NTC

PINA-BLOCK ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga internet services provider ang mga website na sinasabing konektado sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Ito ay kaugnay sa kahilingan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon sa NTC na i-block ang access sa 25 website na naka-link umano sa CPP-NPA-NDF na idineklarang teroristang grupo ng administrasyong Duterte.

Kabilang sa mga ipinapa-block ng NTC ang website ng mga progresibong grupo at independent media.

Samantala, wala namang nabanggit na dahilan sa hiling ni Esperon na i-block ang website ng progresibong grupo at independent media gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly.

Pero tinukoy umano sa sulat nito na affiliated at sumusuporta sa mga terorista at teroristang grupo ang mga naturang website.

Nagpaparamdam kay PBBM?

Kaugnay nito, inakusahan si Esperon na mistulang nagpaparamdam kay incoming President Marcos kaya itinodo na nito ang pag-atake sa kanilang gobyerno.

Reaksyon ito ni House deputy minority leader Rep. Carlos Zarate matapos ipa-block ni Esperon ang website ng nasa 28 organisasyon na kinabibilangan ng Bayan Muna.

“Naghahabol ba ng deadline ang outgoing National Security Adviser o gustong manatili pa ito sa pwesto o influence nito sa susunod na administration kaya ginagawa ito?,” tanong ni Zarate.

Si Esperon ay nagsilbi sa gobyerno ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at kinuha ring NSC adviser ni outgoing President Rodrigo Duterte at kabilang sa kampanya nito ang pag-usig sa makakaliwang grupo.

Nakatakdang palitan ni Dr. Clarita Carlos si Esperon sa NSA.

Ayon kay Zarate, wala silang nakikitang dahilan sa pagpapakitang gilas ni Esperon kundi magkaroon ng puwesto sa susunod na administrasyon kaya sumisipsip ito habang papaubos na ang oras nito sa kapangyarihan.

“Bakit ang pasistang si Esperon ay nagdedesisyon kung sino ang maaaring makapagpahayag sa internet?,” tanong naman ni dating Cong. Ariel Casilao. Kinondena rin ni ACT party-list Rep. France Castro ang opisyal dahil maging ang pag-aaral ng mga katutubo ay itinuturing aniya ng dating heneral na panganib sa bayan. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment