(JOEL O. AMONGO)
DISMAYADO si Rizal 4th District Representative Fidel Nograles na tila nagagamit sa pamumulitika ang paggamit ng mga pasilidad ng barangay na ang direktang apektado ay taumbayan.
Natalakay ito nina ATM ABS-CBN hosts Atty. Terry Ridon at Alex Baltazar sa pagdalo ni Congressman Fidel Nograles ng Montalban sa nasabing programa kamakailan.
Kwento ni Nograles, nang dumalo siya sa budget hearing ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay naitanong niya sa mga opisyal nito ang pamumulitika sa barangay facilities.
Naitanong din ng kinatawan ng ikaapat na distrito ng lalawigan ng Rizal sa mga opisyal ng DILG kung mayroong umiiral na alituntunin at gabay o patakaran hinggil sa paggamit ng barangay facilities.
“Naaawa ho ako sa aking constituents na nakapila sa labas ng covered court na ang init-init ng araw, para makakuha sila ng pinansyal o ayuda, lalung-lalo ho nasalanta po kami, nabaha, ang hirap po- mag-distribute ng financial assistance, sapagkat wala ho kaming magamit na barangay facilities,” ani Nograles.
“Kaya nagtanong ho ako sa DILG nung budget hearing last week, ano po ang maaaring gawin ng ating ahensya para makatulong po sa ating kapus-palad na mga kababayan?,” banggit pa ni Nograles kina Atty. Ridon at Baltazar.
Tugon aniya ni DILG ni Sec. Benhur Abalos, maghahain o maglalabas siya ng memorandum circular para may gabay ang mga barangay sa paggamit ng mga pasilidad.
Subalit nilinaw ni Abalos na hanggang doon lang sapagkat ang kapangyarihan ng DILG ay supervision lamang.
Lumabas din sa talakayan nina Ridon, Baltazar at Cong. Nograles na alinsunod sa local autonomy ng LGU, walang pamimilit kung sundin o hindi ang memorandum circular.
Kaya sinabi ng mambabatas na kailangan niyang maghanap ng iba pang hakbang para makatulong sa kanyang constituents.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat ay non-partisan ang barangay officials dahil sila ang front line ng delivery of social services.
“Kaming mga elected officials nahihirapan ho kami na mag-deliver ng tulong kung wala ho kaming katuwang na barangay na tutulong ho sa amin para ipagamit ang mga public property, sapagkat ang ‘properties are for public use, especially na for public funds’ ang dini-disburse natin,” pahayag pa ni Nograles.
Kumbinsido naman si Ridon sa sinasabi ni Nograles, sa katunayan anya ay hindi lang ito nangyayari sa Montalban.
80