DOLE-TUPAD payout sa Montalban SERBISYONG NOGRALES WALANG KAPARES

(JOEL AMONGO)

PINANGUNAHAN ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang distribusyon ng Department of Labor and Employment-Tupad Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (DOLE-TUPAD) payout sa mahigit 500 benepisyaryong mga residente ng iba’t ibang barangay ng Montalban ng nasabing lalawigan kamakailan.

Isinagawa ang DOLE-TUPAD payout ni Nograles sa multi-purpose covered court ng Brgy. Balite, Montalban noong Setyembre 12.

Ayon kay Nograles, patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya tulad ng DOLE para mabigyan niya ng tulong pinansyal, kabuhayan at pagkakakitaan ang kanyang mga kababayan sa Montalban, Rizal.

Sa katunayan anya, bukod sa DOLE-TUPAD payout ay katuwang sa pamamahagi ng tulong pinansyal ang Manila Teachers Partylist sa pangunguna ni Rep. Virgilio Lacson sa 800 mga nawalan ng kabuhayan at napinsala ng Bagyong Enteng kamakailan.

Kasabay nito, tiniyak din ng batang mambabatas mula sa Montalban na tuluy-tuloy ang pagsusumikap na mabigyan ng trabaho at kabuhayan ang kanyang mga kababayan.

Sa araw na ito ay naging lagare si Nograles, mula sa umaga ay pinangunahan niya ang nasabing DOLE-TUPAD payout at sa hapon ay isinagawa rin niya ang distribusyon naman ng P7,500 sa bawat isa sa 500 CHED Tulong-Dunong Scholars.

Labis-labis ang pasasalamat ng mga residente ng Montalban kay Nograles dahil hindi sila nito pinababayaan.

Anila, umaraw man o bumagyo ay hindi tumitigil si Nograles sa kanyang ginagawa para lamang mabigyan ng kabuhayan at edukasyon ang kanyang constituents sa ika-4 na distrito ng Rizal, Montalban.

Ayon pa sa kanila, bihirang makatagpo ng politiko na katulad ni Nograles na walang pinipiling oras ay bumababa sa kanilang mga lugar upang alamin ang kalagayan ng kanyang constituents.

Banggit pa nila, kahit pa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay pilit silang pinupuntahan ni Nograles para maghatid ng kanilang pangangailangan.

Ang mga papuring ito ay lalo pang nagbibigay ng inspirasyon kay Nograles para pa magpursige sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para makatulong sa mga residente ng Montalban.

40

Related posts

Leave a Comment