PAGBABAGO AT PAG-ASA SA PANDEMYA: Pinakaunang Pambansang Ospital sa Rizal

0

“PAGBABAGO at Pag-asa.”

Bagama’t ang mga katagang ito ay may iba’t ibang kahulugan o ibig sabihin lalong-lalo na sa panahon ngayon ng masalimuot na krisis pangkalusugan, para sa kinatawan ng ikalawang distrito ng Rizal, ang mga katagang ito ay sinusulong ng kanyang pangunahing proyekto para sa kanyang mga nasasakupan: ang Northern Tagalog Regional Hospital sa Montalban.

Kahapon ng alas-2 ng hapon, pinangunahan ni Congressman Fidel Nograles ang pormal na groundbreaking ceremony para sa itatayong Northern Tagalog Regional Hospital sa Montalban, Rizal. Ito ang kauna-unahang pambansang ospital sa lalawigan ng Rizal.

“Bagong ospital, bagong pag-asa. Ang Northern Tagalog Regional Hospital ay simbolo ng pagbabago at pag-asa sa panahon ng pandemya.”

Ito ang mensahe ni Congressman Fidel Nograles sa ground breaking ceremony na dinaluhan nina Deputy Speaker Mikee Romero, Former Antipolo City Mayor Jun Ynares, Rizal Vice-Governor Reynaldo San Juan, Montalban Mayor Dennis Hernandez, at iba pang mga opisyal mula sa Kagawaran ng Kalusugan o DOH sa pangunguna ni Undersecretary Leopoldo Vega at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa DOH-Calabarzon Regional Director na si Dr. Eduardo C. Janairo, ang nasabing ospital ay tinaguriang Level 2 National Hospital sa ilalim ng DOH at may 200-bed capacity. “Nangangahulugan po ito na ang ating bagong ospital ay may mga doktor at nurse na may iba’t ibang pinagdalubhasaan o espesyalidad, at mas malawak ang mga pasilidad sapagkat may Intensive Care Unit, Neonatal Intensive Care Unit, at High-Risk Pregnancy Unit, in addition sa mga basic requirements ng isang Level 1 Hospital,” ayon kay Dr. Janairo.

Ayon sa datos ng DOH, sa kasalukuyan ay may 3 antas ng ospital sa Pilipinas kung saan Level 3 ang pinakamataas.

Natutuwa rin si Dr. Janairo sapagkat ang ospital ang may pinakaunang Infectious Disease Laboratory sa Calabarzon o Region 4-A na kanyang pinangangasiwaan. “Ang Infectious Disease Laboratory ay tutugon sa mga kaso kaugnay ng COVID at iba pang nakahahawang sakit. Tamang-tama po ito sa panahon ng pandemya,” giit ng Regional Director.

Ayon naman sa DPWH District Engineer na si Engr. Julie Vergara, ang nasabing ospital ay may dalawang palapag at dalawang basement area. “Ang ground floor area ng ospital ay may kabuuang sukat na 3,842 square meters at dito makikita ang Emergency Department at Outpatient Department. Sa second floor naman matatagpuan ang Operating Room, Delivery Room, Intensive Care Unit, at Ward.”

Dagdag din ni Engr. Vergara na napakalaki ng lote kung saan itatayo ang ospital. “Ito ay may sukat na 10,000 square meters, at dahil dito maaari pa tayong magdagdag ng mga gusali at pasilidad upang lumawak ang ating ospital at maging Level 3 na ito,” ayon kay Engr. Vergara.

Ang nasabing lote ay binili ng munisipyo ng Montalban, dagdag din ni Engr. Vergara.

Naganap ang ground breaking ceremony sa mismong lote na matatagpuan sa Mayon Avenue ng Brgy. San Jose, Montalban.

“Tamang-tama ang timing at lokasyon ng ating ospital sapagkat wala na po tayong matakbuhan na ospital sa panahon ngayon na may pambansang krisis sa ospital at napakaraming tao sa ating bayan,” giit ng mambabatas na may akda rin ng House Bill No. 6524, ang panukalang batas na basehan ng ospital.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang bayan ng Montalban ang kasalukuyang may pinakamataas na populasyon sa lahat ng mga bayan sa bansa. Pumapatak na ito sa humigit kumulang kalahating milyon o 500,000.

Iniulat naman ni Engr. Vergara na sisimulan na ng DPWH ang kanilang konstruksyon sa lote sa darating na Agosto at sisikapin nilang tapusin ang proyekto ni Congressman Nograles sa loob lamang ng isang taon.

“Sa pangunguna ni Congressman Nograles ay mayroon tayong initial na pondo na 85 million,” ayon kay Engr. Vergara.

Sa kabilang banda, mayroong nakalaan na P50 million sa ilalim ng DOH para sa ospital.

“Sa pangunguna ni Congressman Nograles ay mayroon din tayong pondo na P50 million para sa ospital,” ayon kay Dr. Janairo.

Dahil dito, may kabuuang pondo na P135 million para sa Northern Tagalog Regional Hospital.

Samantala, abot-langit ang pasasalamat ni Congressman Nograles sa mga tumulong sa kanya sa kanyang proyekto.

“Taus-puso po tayong nagpapasalamat sa mga katuwang po natin upang ipatayo ang ating ospital na sina Senator Bong Go, Deputy Speaker Mikee Romero ng 1Pacman Partylist, Governor Rebecca Ynares, at Mayor Dennis Hernandez.”

“Hinding-hindi po natin makakamit ang pagbabago at pag-asa na ating pinapangarap kung hindi dahil sa kanilang tulong at suporta,” giit ni Nograles.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publicationโ€™s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment